Filtered By: Showbiz
Showbiz

'You're My Foreignay' winner Shine Kuk, gustong mag-comedy o singer


Kung dati ay gusto niyang maging ambassador, ngayon, gusto na raw ng "You're My Foreignay" winner ng "Eat Bulaga!" na si Kuk Son Yong o Shine Kuk ng Korea, na maging artista sa Pilipinas.

Sa "Starbites" ng GMA News TV's "Balitanghali" nitong Miyerkules, sinabing mula raw nang itanghal siya bilang winner sa "You're My Foreignay,"  ay dumami na ang kaniyang fans.

Anim na taon nang nananatili sa bansa si Shine, kasama ang kaniyang ina at kapatid. Bakasyon lang sana ang balak nila sa Pilipinas pero nauwi na ito sa pananatili sa bansa dahil nagustuhan nila ang kabaitan ng mga Pinoy, kultura at pagkain.



Kaya naman kahit ipinanganak siya sa Korea, Pinoy na Pinoy na raw si Shine.

At ang kaniyang paboritong pagkain... "puto, turon, sinigang."

Dito na rin siya nag-aral at nakatapos ng kusong Consular Diplomatic and Foreign Affairs sa De la Salle-College of St. Benilde.

At kung dati raw gusto niyang maging ambassador, ngayon gusto na raw niyang maging artista.  Puwede raw siyang maging komedyante o 'di kaya ay singer.

Gusto raw niyang makatulong para lalo pang mapaglapit ang Korea at Pilipinas.

Kasabay nito, nagpasalamat si Shine sa naging mainit na pagtanggap sa kanya ng mga Pinoy na hindi na raw iba sa kanya. -- FRJ, GMA News