Herbert Bautista, namula at nagtago sa lamesa nang tuksuhin kay Kris Aquino
Tila kinilig daw si Quezon City Mayor Herbert Bautista nang tuksuhin kay Kris Aquino sa programang "Tonight With Arnold Clavio."
Sa "Starbites" ng GMA News TV's "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing naglaro ng "Pinoy Henyo" sina Herbert at si Arnold sa programa.
Ang pangalang "Noynoy Aquino" ang pinahulaan kay Herbert.
Pero dahil paulit-ulit na sinasabi ng alkalde ang "Benigno Simeon Aquino," hindi tumatama ang kaniyang sagot sa pinapahulaan.
Nang matapos na ang inilaang oras para sa laro at nalaman na ni Herbet ang pangalan na pinahulaan sa kanya, tinukso siya ni Arnold na kung "bayaw" daw ang sinagot nito ay baka nanalo siya sa laro.
Dahil sa pagtuksong ito, namula raw bigla si Herbert at napatago pa sa lamesa ni Arnold.
Kamakailan lang ay sinabi ni James Yap na ikinuwento sa kanya ng anak nila ni Kris na si Bimby, na pulitiko raw ang bagong nagbibigay inspirasyon sa bunsong kapatid ni PNoy.
Naging maugong ang usap-usapang na baka si Mayor Herbert ang tinutukoy ng dating mister ni Kris.
Mapapanood ang episode ng "Tonight With Arnold Clavio" kung saan guest si Mayor Herbert sa susunod na Miyerkules, sa ganap na 10:15 p.m.-- FRJimenez, GMA News