Filtered By: Showbiz
Showbiz

Nora Aunor, inirekomenda ng NCCA na gawing National Artist


Isinumite na ng National Commission for Culture and the Arts ang pangalan ni Superstar Nora Aunor sa listahan ng mga inirerekomenda nila sa Malacañang na gawing National Artist ng bansa.

Sa ulat ni Cata Tibayan sa "Chika Minute" ng GMA news "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing Setyembre 2013 pa raw nila ginawa ang rekomendasyon kay Nora.

Inaasahan nila na maaaring ngayong Abril o bago matapos ang taon, ang Malacanang na ang mag-aanunsiyo at magpoproklema kay Nora bilang Pambasang Alagad ng Sining sa larangan ng pelikula.



Ayon sa NCCA, pumasa si Nora sa iba't ibang criteria ng komite para mairekomenda bilang national artist.

Sa galing sa pagkanta at pag-arte, halos hindi na mabilang ang mga parangal na nakamit ng batikang aktres at singer sa loob at labas ng bansa.

Ilan lang sa mga hindi malilimutang pelikula na pinagbidahan ni Nora ay ang "Himala," "The Flor Contemplacion Story," "Bona", at "Thy Womb."

Ginawaran din ang Superstar ng Ani ng Dangal Award mula sa National Commission for Culture and the Arts sa taong 2013 at 2014. -- FRJimenez, GMA News
Tags: noraaunor
LOADING CONTENT