Anne Curtis, may kinakaharap kayang problema sa BIR?
Kinumpirma ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim Henares na nagpunta sa kanyang tanggapan nitong Martes ang aktres na si Anne Curtis.
Sa ulat ng GMA news "Saksi" nitong Huwebes, sinabi ni Henares na hindi niya nakausap si Anne dahil wala raw siya sa opisina nang magtungo doon ang aktres.
Hindi rin daw niya alam kung bakit nagtungo sa tanggapan niya si Anne at ayaw nitong sabihin kung iniimbestigahan ng ahensiya ang aktres.
"Hindi ko alam ba't siya pumunta sa opisina ko... why don't you ask Anne Curtis? If she will tell you, that's her right," anang opisyal.
Paliwanag pa nito, "Whatever things we're doing, or whatever things we're not doing, these are all confidential. The law prohibits us from discussing it with anyone."
Maaari lang daw isapubliko ang lahat kapag may kaso na silang inihain laban sa taxpayer.
Sinusubukan pa ng GMA News na makuha ang pahayag ni Anne. Wala ring pahayag pa ang Viva Films na handler ng aktres.
Sa ilalim ng pamamahala ni Henares, pinaigting ng BIR ang pagkolekta sa buwis. Halos kada buwan ay mayroon silang sinasampahan ng reklamong tax evasion, ilan dito ay mga kilalang personalidad.
Nitong Huwebes, apat na kumpanya ang inireklamo ng BIR dahil sa hindi umano pagbabayad ng tamang buwis. -- FRJimenez, GMA News