Alamin ang plano ng ilang Kapuso stars ngayong Holy Week
Tulad ng ibang Katoliko, sumusunod din sa mga tradisyon at kaugalian ang ilan sa mga hinahangaan nating Kapuso stars kapag panahon ng Semana Santa.
Katulad na lang ni Camille Prats na sinusunod pa rin ng kanilang pamilya ang kaugalian na hindi na pagligo pagsapit ng 3:00 p.m. ng Biyernes Santo.
Dagdag pa ni Camille sa ulat ng "Star Bites" ng GMA News TV's "Balitanghali" nitong Biyernes, na bawal na rin ang mga bata ang maglaro para hindi masugatan at hindi rin silang kumakain ng karne.
No meat din ang pamilya ni Andrea Torres kapag Holy Week pero mayroon naman daw recipe ang kanilang mommy sa ganitong panahon na lagi nilang nirerequest.
Ang Kapuso actor na si Kristoffer Martin, uuwi muna sa kanilang bayan sa Olongapo para sa taunang Visita Iglecia ng kanilang pamilya.
Habang nasa beach naman daw ang pamilya nina Frencheska Farr at Mike Tan, para makaiwas sa ingay ng siyudad.
Ang entertainment guru naman na si Joey De Leon, hindi raw palalampasin ang pagkakataon na makapamasyal lalo pa't nasa Toronto, Canada ngayon ang Eat Bulaga! dabarkads para magtanghal doon sa mga kababayang Pinoy. -- FRJ, GMA News