Reklamong pananakit na inihain ni Claudine vs. Raymart, nakitaan ng basehan
Nahaharap na ngayon sa kasong physical abuse ang aktor na si Raymart Santiago matapos na makitaan umano ng basehan ng Marikina Prosecutor's Office ang reklamong pananakit na inihain laban sa kaniya ng dating misis na si Claudine Barretto.
Base sa artikulong lumabas sa Philippine Entertainment Portal, iniulat ng GMA news "Unang Balita", na nakasaad sa resolusyon ang piskalya na nakitaan umano ng basehan ang reklamo ni Claudine laban sa aktor.
Ang two counts of physical abuse na isinampa ng aktres laban sa kanyang dating mister ay inihain sa piskalya noong August 2013.
“My life with Rozelle Raymond Martin Santiago [Raymart's real name] was a vicious cycle of violence, abuse, battery, and exploitation,” bahagi ng affidavit ng aktress noon.
Dagdag pa niya: "I took the big step of stopping and ending the abuses of my husband by filing a criminal complaint against him."
Wala pang pahayag ang kampo ni Raymart dahil hindi pa raw nila nababasa ang kopya ng resolusyon. Pero sa mga naunang pahayag ng aktor, itinanggi nito ang mga paratang ng aktres. -- FRJ, GMA News