ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Payo kay Deniece Cornejo ng kaniyang lolo: ‘Para sa ikabubuti mo, sumuko ka na’


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Mismong ang grand uncle ni Deniece Cornejo ang nanawagan sa dalaga na sumuko na at harapin ang kasong serious illegal detention na isinampa ng television host-actor na si Vhong Navarro. Sa exclusive report ni Saleema Refran sa GMA news "24 Oras" nitong Sabado, nagpaabot din ng mensahe si Ginoong Rod Cornejo para sa publiko na sumusubaybay sa kaso ng apo. "My dear Deniece, I'm appealing to you as your grand uncle please surrender. Don't wait, surrender," pakiusap nito. Matapos na lumabas ang arrest warrant laban kay Deniece bunga ng kasong serious illegal detention na inihain ni Vhong, hindi pa rin nahuhuli o nagpapakita ang dalaga. Kwento ng nakatatandang Cornejo, nakikipag-ugnayan pa rin sa kanya ang apo pero hindi naman nito sinasabi kung nasaan siya. "Gusto kong malaman mo na ako'y naniniwala sa'yo. Iyong mga sinabi mo sa akin, yung nangyari sa'yo, tinatanggap ko na 'yan ang katotohanan," pahayag ni G. Cornejo. Dagdag niya, "Ngunit Deniece, hindi rin tama na nagtatago ka sa batas.  Para sa ikabubuti mo, sumuko ka na." Mensahe naman ni G. Cornejo publiko na sumusubaybay sa kaso, "Imbes na tayo ay maghusga at manira, at matuwa sa nangyari sa kanila, isipin din natin na mga tao rin sila at mayroon karapatan," panawagan niya. Ang National Bureau of Investigation na nakatutok sa kaso, naunang naghikayat kina Deniece at iba pang akusado na sina Jed Fernandez at Ferdinand Guerrero na sumuko na. Nagpakalat na ang NBI ng iba't ibang teams sa Luzon at Visayas para hanapin ang grupo ni Deniece. Sa ngayon, nasa NBI Detention Center pa rin ang mga kapwa akusado ni Deniece na sina Cedric Lee Zimmer Raz. Sa Martes, May 6, nakatakdang dinggin ang petisiyon  nina Lee at Raz na makapagpiyansa (Basahin: Cedric Lee, Zimmer Raz seek bail for serious illegal detention case.) -- FRJimenez, GMA News