ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Rosanna Roces, itinangging nahuli siya dahil sa iligal na droga


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nilinaw ni Rosanna Roces na hindi siya nahuli dahil sa iligal na droga. Ipinagtapat din ng dating sexy actress na hindi pa sila nagkaka-ayos ng kaniyang anak na lalaki na si "Onyok."

Sa ulat ni Aubrey Carampel sa "Chika Minute" ng GMA news "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing aktibo sa paggawa ng independent films si Rosanna kahit hindi ito masyadong napapanood sa telebisyon.

Kabilang siya sa Cinemalaya film entry na "Hustisya" kasama si Superstar Nora Aunor.

Ngayon lang umano muling nagpakita si Rosanna sa press matapos kumalat ang balitang nahuli siya dahil sa iligal na droga.



Mariing itinanggi naman ng aktres ang naturang balita na nailathala sa isang pahayagang tabloid.

"Gusto ko yung bawat buka ng bibig ko yung totoo lang ang sasabihin ko. Ngayon kung wala rin lang akong masabing maganda sa kaniya wag na lang din di ba," ayon sa aktres.

Inamin din nito na hindi pa sila nagkakaayos ng anak na si Dennis Robert Adriano o "Onyok."

Nagpa-interview si Onyok sa programang "Startalk" kamakailan at dito ay ibinunyag niya na gumagamit umano ng iligal na droga ang ina.

"Alam naman nating lahat kaya nga 'di ako kumibo, bakit? kasi totoo lahat ng sasabihin ko. Ayoko namang ipahiya yung anak ko, tama na yung nangyari di ba pero...Oo, nasaktan ako, mali ang ginawa niya pero para ipahiya ko yung pamilya ko, anak ko pa rin 'yan," paliwanag niya.

Nang tanungin kung umaasa ba siyang magkakaayos silang mag-ina lalo ngayong malapit na ang Mother's Day, tugon ni Rosanna, "Pinapaubaya ko lahat sa kanya.  Kasi unang una kahit anong pilit mo kung ano talaga...basta si Lord ang gagawa ng paraan." -- FRJ, GMA News

Tags: rosannaroces