ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Set ng 'Carmela,' binulabog ng grupo ng kalalakihan; ilang staff, sugatan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sugatan ang ilang staff ng teleseryeng Carmela matapos bulabugin ng ilang mga nakainom na lalaki ang kanilang set sa isang bar sa Malolos, Bulacan noong Biyernes ng gabi.
 
Ayon sa ulat sa "Balitanghali" ng GMA News TV, sa kabila ng abiso na sarado ang establisimyento, nagpumilit ang isang grupo ng mga lalaki na pumasok sa bar habang inaayos na ang set ng primetime show na pinagbibidahan nina Marian Rivera at Alden Richards.
 
Para pigilan ang mga lalaki, nakiusap umano ang lighting director ng teleserye na sa susunod na araw na lamang sila bumalik, ayon sa ulat.

 
Subalit, nagalit ang mga ito ang naghamon ng suntukan.
 
"Pagtayo niya, (sinabing) 'gusto mo suntukan na lang tayo?' Lumapit yung lalaki, feeling ko, yung mga kasama kong babae, may gagawin siyang 'di maganda, so prinotektahan ko, so ginawa ng isa, sinuntok ako, so sinuntok ko na rin siya para ilayo sila. Tapos tatlo na silang sumuntok sa'kin," ayon sa lighting director, na tumangging pangalanan.
 
Nang subukan ng direktor ng programa na si Dominic Zapanta na umawat sa kaguluhan, siya man sinuntok rin.
 
"They were very aggressive," aniya. "Out of nowhere, someone hit me on the face. Pagkasuntok sa'kin, nagkagulo na."
 
Samantala, tapos na ang kaguluhan nang dumating ang mga pulis. Gayunman, sumama ang apat na suspek sa Malolos Police Station, ayon sa ulat.
 
Sa blotter ng isang suspek na si Diosdado Manaysay, isa umanong negosyante, nakasaad na ang staff umano ng Carmela ang unang nanuntok sa kanila.
 
Subalit itinanggi ito ng aktor na si Mike Lloren. Aniya, ang mga suspek, na mga lasing, ang nagsimula ng gulo.
 
Patuloy pa ang imbestigasyon ang mga pulis sa naganap na insidente, ayon sa ulat. -- Mandy Fernandez/FRJ, GMA News

Tags: carmela