Si Mitch ang nag-propose: YouTube love team na JaMich, engaged na
Engaged na ang YouTube sensations at real life couple na sina Jam Sebastian at Paolinne Michelle Liggayu na mas kilala bilang JaMich. Pero hindi gaya ng karaniwan na lalaki ang nag-aalok ng kasal sa babae, sa pagkakataong ito, si Mitch ang nag-alok ng kasal at bumili ng engagement ring.
Sa ulat ni Cata Tibayan sa GMA News' 24 Oras nitong Lunes ng gabi, masayang ibinahagi ni Mitch na nangyari ang kaniyang proposal sa harap ng pamilya't mga kaibigan nila sa simbahan nitong Linggo.
Last year pa raw pinaghahandaan ni Mich ang proposal. Minsan ay kamuntikan pa raw mabuko ni Jam ang kaniyang plano.
Ginawa daw ito ng dalaga dahil nais niyang maging masaya ang nobyo.
Hindi nga raw kaagad nakasagot si Jam nang tanungin ni Mitch kung gusto nitong maikasal sa kaniya.
"Nang tanungin ko na siya na 'Will you be my happily ever after,' ang tagal pa bago niya sumagot kasi nakayuko siya tapos umiiyak," kwento ni Mitch.
Pero nag-yes naman daw ang binata kalaunan.
Itinaon daw ng dalaga ang big day proposal isang araw pagkatapos ng kanilang sixth anniversary.
Nilinaw din ni Mich na hindi siya buntis kaya nag-propose siya sa nobyo. Wala rin daw kinalaman dito ang sakit ng binata.
Lumalaban ngayon sa sakit na lung cancer ang binata.
Sa ngayon, hihintayin daw muna ni Mich na lubusang makapagpagaling si Jam bago simulan ang wedding preparations.
Beach wedding daw ang dream ni Mich at pangarap din daw niya na sa Paris sila mag-honeymoon. —FRJ/KG, GMA News