Bagong admirer ni Ruffa Gutierrez, kahawig ni Yilmaz Bektas, ayon mismo kay Annabelle
Isiniwalat ni Annabelle Rama na ininterview niya mismo ang bagong admirer ng kaniyang anak na si Ruffa Gutierrez, na kahawig umano ng dati niyang son-in-law na si Yilmaz Bektas.
Sa ulat ng GMA News TV's "Balitanghali" nitong Martes, ikinuwento ni Annabelle na kinorner niya ang lalaki habang nasa Singapore sila kasama si Ruffa.
Tinanong daw niya ang lalaki kung bakit nito laging kasama ang kaniyang anak.
Pero sinabi raw ng lalaki na magkaibigan lang sila ni Ruffa.
Sinabi rin ni Annabelle na kamukha ng ex-husband ni Ruffa na si Yilmaz Bektas ang bagong admirer ng anak.
Samantala, pinayuhan naman ni Annabelle sina Sarah Lahbati at Richard Gutierrez na huwag munang magpakasal kahit pa may baby Zion na sila.
First boyfriend daw ni Sarah si Richard kaya payo niya sa aktres, i-enjoy muna ang pagiging single at unahin ang career bago magpakasal.
Naibahagi naman nina Sarah at Richard na balak nilang mag-winter wedding sa Europe pero wala pa raw silang petsa para rito. -- FRJ, GMA News