Filtered By: Showbiz
Showbiz

Vilma at Nora, tinalo ng isang indie actress para sa Best Actress Award sa 37th Gawad Urian


Tinalo ng isang indie actress ang Superstar na si Nora Aunor at ang Star for All Seasons na si Vilma Santos sa Best Actress category ng 37th Gawad Urian. Sa ulat ng GMA news "Saksi" nitong Martes, sinabing itinanghal na Best Actress ng Urian ngayong taon si Angeli Bayani. Ito ay para sa pagganap niya sa pelikulang "Norte: Hangganan ng Kasaysayan," na itinanghal ding Best Picture. Nang tanggapin ni Angeli ang tropeo, inialay niya ito sa mga kapwa niya nominado. Si Angeli ang naging bida sa Singaporean film "Ilo Ilo," na naging nominado bilang Best Actress sa 56th Asia Pacific Film Festival noong nakaraang taon. Nakalusot din bilang nominado sa Best Foreign Language Film category sa Oscars ang "Ilo ilo" na naging pambato ng Singapore sa nabanggit na kategorya. Dahil sa kaniyang pagganap, napahanga maging ang Oscar-winning director na si Ang Lee. Basahin: Ang ‘suntok sa buwan’ na 2013 ni ‘Ilo Ilo’ star Angeli Bayani Samantala, naging nominado sa best actress awards sa Urian si Nora Aunor para sa pelikulang "Mabuti," habang ang "Ekstra" naman ang naging pambato ni Vilma. Basahin: Nora-Vilma rivalry, nabuhay sa labanan sa acting awards ng Urian Kinilala namang Best Actor ng Urian si Joel Torre na gumanap bilang hitman sa pelikulang "On The Job." Iniuwi naman ni Hannah Espia ang tropeo bilang Best Director para sa pelikulang "Transit." Si Angel Aquino ang itinanghal na Best Supporting Actress, at si Jun-jun Quintana naman ang Best Supporting Actor. -- FRJ, GMA News
LOADING CONTENT