'Yagit,' magbabalik sa telebisyon; Jillian Ward at Mona Louise Rey, mas naging close sa 'My BFF'
Inaabangan na ang Kapuso series na muling pagsasamahan nina Jillian Ward at Mona Louise Rey, ang "My BFF." Samantala, magbabalik naman sa telebisyon ang kwento ng mga batang "Yagit" na minahal ng maraming Pilipino.
Sa "Starbites" report ni Aubrey Carampel sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing mas naging close raw sina Jillian at Mona Louise sa kanilang reunion project na "My BFF."
Naging magkapatid ang dalawa noon sa "Luna Blanca," habang sa "My BFF," close friends ang karakter na kanilang gagampanan.
Magiging kaibigan ni Mona Louise si Jillian na isa palang multo sa serye.
"Yung show po parang ang ganda ng story niya po about sa ghost na girl na may best friend po siya," ani Jillan.
"Sa sobrang close ng best friend mo para family mo rin po siya," ayon naman kay Mona Louise.
Balik-tambalan din sa "My BFF" ang patok na 80's love team at dating magkasintahan na sina Janno Gibbs at Manilyn Reynes.
Dahil dito, nagseselos nga ba ang asawa ni Janno na si Bing Loyzaga?
"Ilang beses na silang nagkita eh, di ba? We have pictures sa Instagram nga na meron na tayo," ani Janno habang katabi si Manilyn.
Dagdag naman ng aktres, "Napakatagal nang panahon na yun at totoo yun, nagkikita naman kami so I don't see a problem."
Kabilang din sa cast ng "My BFF" sina Valerie Concepcion at Hiro Magalona.
Batang 'Yagit'
Samantala, inanunsyo naman ni Direk Gina Alajar na siya ang hahawak sa isa pang dapat abangan na family drama, ang TV remake na "Yagit."
Ayon sa aktres at direktor, excited siya sa proyekto dahil isa rin siya sa fans ng "Yagit" na talaga namang tumatak sa mga manonood.
"Natatandaan nila sina Tomtom, sina Ding, sina Jocelyn kaya it goes to show na maraming nakapanood," ani Direk Gina.
Magpapa-audition si Direk Gina sa mga batang magre-reprise ng roles ng mga yagit at magsisimula ito sa Biyernes sa SM Baliuag, at magkakaron din sa Visayas at Mindanao. -- FRJ, GMA News