Anak at kapatid ni Mayor Herbert, nagsalita tungkol sa naudlot nitong relasyon kay Kris
Sinabi ng dalagang anak ni Quezon City Mayor Herbert Bautista na masaya siya na posibleng magkabalikan ang kaniyang ama at ina na si Maria Teresa "Tates" Gana. Napabalitang naghiwalay ang mag-partner noong Abril kasunod naman ng paglabas ng ulat na nagkakamabutihan ang alkalde at ang television host-actress na si Kris Aquino.
Sa ulat ng GMA talk show na "Startalk" nitong Sabado, sinabing ang mga anak ang ibinigay na dahilan ni Herbert kung bakit naudlot ang namumuong pagtitinginan nila ni Kris.
Apektado na raw kasi ang dalawa niyang anak sa common-law wife na si Tates.
May 20 taon na rin na nagsasama sina Herbert at Tates, at nagbunga ang kanilang pag-iibigan ng dalawang anak -- na isang 10-year-old boy at 17-year-old girl na si Athena, na papasukin na rin ang showbiz.
Nitong nakaraang Abril nang kumpirmahin nina Kris at Herbert na pagkakamabutihan sila. Pero ilang linggo lang ang lumipas at kaagad din itong nagtapos.
Basahin: Kris Aquino admits relationship with Quezon City Mayor Herbert Bautista
Nang kamustahin ng "Startalk" si Athena tungkol sa kaniyang ama, naging matipid ang tugon niya.
"Ayoko na pong magsabi ng kahit ano pa mang hindi pa po nasabi before. Sana po i-respect niyo po ang privacy ng dad ko saka ng family po namin," pakiusap niya.
Inihayag din ng dalaga na mabuti ang kalagayan ng kanilang pamilya. At kaugnay sa mga balitang posibleng magkabalikan ang kaniyang mga magulang, sinabi ni Athena na masaya siya tungkol dito.
Basahin: Herbert Bautista, babalik sa asawa matapos magkipaghiwalay kay Kris?
"Siyempre po gusto ko okey po yung pamilya namin. Siyempre po wala namang taong humihiling na magkagulo-gulo po ang pamilya. So yung po, masaya po ako," ani Athena.
Hindi naman inilihim ni Harlene Bautista na mistulang nasermonan niya ang kapatid na alkalde tungkol sa buhay pag-ibig nito.
"Parang nagiging ate ako, yung parang naninermon. Ewan ko kung binabasa niya kapag ganun na ang tono ng text ko," natatawang sabi ni Harlene na misis ng aktor na si Romnick Sarmenta.
Basahin: Romnick Sarmenta comments on negative reaction to Kris-Herbert romance
"Basta ako, sinasabi ko naman lagi, ang gusto ko lang yung maging happy siya talaga. Kung saan happy and free and yung walang compromise... diretso lang na happiness," dagdag nito.
Ayon pa kay Harlene, "Basta ako kung sino ang mahal talaga siya, at yung mamahalin talaga siya nang dahilan mahal siya," -- FRJ, GMA News