Magkakaibang reaksiyon ng netizens sa mga sugat ni Claudine Barretto
Umani ng magkakaibang reaksiyon mula sa netizens ang ginawang pagpapakita ni Claudine Barretto ng mga pasa, peklat at sugat sa kaniyang mga hita.
Ang pagsisiwalat ni Claudine ay ginawa sa isang photo shoot na ipinalabas naman sa "Chika Minute" report ng GMA news "24 Oras" nitong Biyernes ng gabi.
Hindi pa binanggit ng aktres kung papaano niya nakuha ang mga sugat, at hindi rin nito sinabi kung sino ang may kagagawan.
Bagaman hindi tinukoy ni Claudine ang kaniyang estranged husband na si Raymart Santiago na lumikha ng mga sugat, inihayag naman ng aktres sa ulat na isa siyang battered woman.
Sinabi ng kampo ni Raymart na magbibigay sila ng reaksiyon sa sandaling iugnay ni Claudine ang aktor sa naturang mga sugat.
Kasunod nito, nagbigay ng kani-kanilang opinyon at reaksiyon sa social media ang mga nakapanood sa video at nakabasa ng balita.
Marami ang nahabag sa kalagayan ni Claudine at umaasang ipaglalaban nito ang kaniyang karapatan.
Sinabi rin ng ilang nagkomento na hindi dapat pinaabot ni Claudine sa naturang sitwasyon ang kanilang kalagayan.
May mga nagpaabot din ng panalangin sa mabilis na paggaling ng aktres na ipinapagamot na umano ang mga sugat.
"Sobrang nalulungkot ako sa balitang ito.. Clau ipaglaban mo karapatan mo. Laban lang.. Nakakalungkot," ayon sa netizen na si Ronald.
"Let's see kung sino ang ituturo," sambit naman ni Tita.
Hindi rin naman nawala ang mga nagdududa sa mga sugat na tinamo ng aktres. Tanong ng ilan, hindi raw kaya "self inflicted" o si Claudine mismo ang lumikha ng mga sugat.
Ang iba pang netizens, nais malaman kung kailan nangyari ang pagkakaroon ng mga sugat ng aktres. Ipinagtataka nila dahil may mga larawan umano si Claudine na naka-post sa kaniyang Instagram na makinis naman ang kaniyang hita sa mga maiksi nitong kasuotan.
Binalikan din ng ilang netizens ang naka-post na larawan ni Claudine noong Abril 2013 na nakaupo sa tabi ng isang sasakyan na kasama ang anak niyang si Zabina na kita ang kaniyang makinis na hita.
May nagtatanong din kung papaano magiging battered woman si Claudine gayung ipinakita nito ang tapang nang makasagupa nila ni Raymart ang mamamahayag na si Ramon Tulfo sa airport.
"Ke Tulfo matapang bkit papayag siyang ganyan?," tanong ng netizen na si Mark.
Sakabila nito, may mga nagmungkahi rin na huwag pangunahan at husgahan agad si Claudine at hintayin na lamang ang mga susunod niyang mga magiging pahayag. -- FRJ, GMA News