ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Mommy Dionisia Pacquiao, naniniwalang 'di pera ang habol sa kaniya ni Michael


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

"Love" at "honey" ang tawagan nina Mommy Dionisia Pacquiao at nobyo nitong si Michael, na tubong Iloilo.  Ayon sa ina ni Sarangani Rep. Manny Pacquiao, nakilala niya ang nobyo sa isang videoke party na isang paraan niya ng pampabata.

Sa "Chika Minute" report ni Cata Tibayan sa GMA news "24 Oras" nitong Biyernes, kinumpirma ni Mommy D na six months na ang relasyon nito ni Michael, na 25 taon na mas bata sa kaniya.

"May boyfriend na ako... honey sana ang pagmamahal natin, habang may buhay," mensahe ni Pacmom sa kasintahan.

Si Michael ang naging escort ni Mommy Dionisia sa nakaraang niyang 65th birthday.

Nakilala raw niya ang nobyo sa isang videoke party.



"Nakita lang niya ako, kumakanta, nagso-songs ako... 'Yan na nga ang nakadagdag-pagbata sa akin, sa aking mukha," masayang kuwento ng ina ng Pinoy boxing icon.

Ayon kay Mommy Dionisia, malaki ang tiwala niya kay Michael dahil ito raw ang hiningi ng lalaki sa kaniya, ang pagtitiwala.

Dagdag pa ni Pacmom, nais magtrabaho sa abroad ni Michael na patunay na hindi pera ang habol nito sa kaniya.

"Sa ngayon sabi niya, 'tiisin mo lang love na magkalayo tayo.'" ani Mommy Dionisia. "Sabi niya, ''di ako umasa palagi sa'yo kasi babae ka. Alam kong binuhay ka ng anak mo."

Inamin din ni Mommy Dionisia na sa kaniyang mga anak, tanging si Manny lang ang nagpahayag ng pagtutol sa pakikipagrelasyon nito kay Michael.

"Isa lang ang naghahadlang, si Manny lang. Ang sabi niya sa akin, 'ayaw ko sana.' Wala silang magawa, gustong-gusto ko 'to, kagustuhan ko 'to. Nagkausap na kaming dalawa," ayon kay Mommy D.

Sa ngayon, wala pa naman daw silang balak ni Michael na magpakasal. Pero tiyak daw siya na kaloob ng Diyos ang nobyo para mayroon siya ng makakasama.

"Wala kaming plano pa. Ang importante nag-enjoy kaming dalawa na minahal niya ako, minahal ko rin siya," ani Mommy Dionisia.

Mensahe niya sa nobyo na may kasama pang flying kiss: "I love you honey. Magpaka-strong ka diyan. Ingat ka.I love you, honey." -- FRJimenez, GMA News