Filtered By: Showbiz
Showbiz

Dingdong, nagpasalamat sa suporta sa wedding proposal kay Marian


Ipinahayag ni Dingdong Dantes ang kanyang pasasalamat sa mga tagahanga nila ng kanyang bride-to-be na si Marian Rivera matapos ang sorpresang proposal na naganap noong Sabado sa programa ng aktres na "Marian."
 
Ayon kay Dingdong, naging bahagi na ng kanilang love story ang kanilang mga atagahanga at mga kaibigan, at patuloy pa silang magiging bahagi sa panibagong yugto ng buhay nila ni Marian.

 
 
Matatandaang nitong Sabado, nag-propose ang aktor sa birthday celebration ni Marian sa programa, kung saan naroon din ang ina, lola, at malalapit na kaibigan ng aktres, pati na rin ang pamilya ni Dingdong. Naging emosyonal ang pagdiriwang sa live telecast ng Marian, na binansagan sa social networking sites na "Marian #LastDance" at "The Royal Engagement"  ng Kapuoso Primetime King and Queen.
 
Nag-trend at naging maugong sa Twitter at Facebook ang naganap na wedding proposal, na hindi lamang gumulat kay Marian ngunit pati na rin sa kanilang mga tagahanga at mga kaibigan. Ayon kay Marian, hindi niya inaasahang magpo-propose muli si Dingdong matapos ang ginawa nitong proposal sa Macau noong 2012. "Actually ang alam ko talaga ay ia-announce namin sa mga tao na engaged na kami. Yun talaga yung plano. Pero nung nandun na ako, hindi ko talaga alam," ayon sa aktres.
 
Inaasahang magpapakasal sina Dingdong at Marian bago matapos ang taong ito. — JST, GMA News