Mga labi ng dating 'EB Babes' dancer na si Maiko, nakita na
Kumpirmadong nasawi rin sa trahediya sa isang ilog sa San Miguel Bulacan ang dating miyembro ng "EB Babes" ng "Eat Bulaga" na si Maiko Bartolome.
Sa ulat ng GMA News "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing dakong 7:46 a.m. nang makitang nakaipit sa malaking bato ang katawan ni Maiko sa Madlum river.
Basahin: Nasawi sa Bulacan field trip, 6 na; ex-member ng 'EB' Babes, 'di pa nakikita
Si Maiko ang ika-pitong mag-aaral ng Bulacan State University na nalunod sa nabanggit na ilog. Nagtungo sa nabanggit na lugar ang mga mag-aaral na bahagi ng kanilang field trip.
Nakasiksik umano sa butas ng malaking bato ang katawan ni Maiko kaya hindi kaagad nakita ng search and rescue team nitong Miyerkules bunga na rin ng malakas na agos ng tubig.
Kaagad na dinala ng mga kinatawan ng BSU ang mga labi ni Maiko sa St. Peter Funeral Homes.
Sa social media, nagpaabot ng pakikiramay ang mga netizens kay Maiko at sa iba pang mag-aaral na nasawi sa trahediya.
Napag-alaman na isang araw bago naganap ang trahediya, nakapag-post si Maiko sa kaniyang Facebook account ng mensahe ng pananabik sa naturang field trip. -- FRJ, GMA News