ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Derek Ramsay, inihayag na selosa at may suicidal tendency daw ang dating misis


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sa pamamagitan ng isinumite niyang counter-affidavit sa Makati Prosecutor's Office, inilahad ni Derek Ramsay ang tunay na pagkatao umano ng kaniyang estranged wife na si Mary Christine Jolly, kasabay ng paggiit na walang katotohanan ang bintang na pinabayaan niya ang kanilang anak.
 
Sa episode ng "Startalk" nitong Sabado, hinimay sa programa ang laman ng 150 pahinang counter affidavit na isinumite ng kampo ni Derek sa piskalya para kontrahin ang alegasyon ng kaniyang estranged wife.

Basahin:  Derek Ramsay, kinasuhan ng umano'y dati niyang misis
 
Batay na rin ito sa reklamong paglabag sa Republic Act 1962 o Anti-violence Against Women and Children Act, na isinampa ni Mary laban kay Derek bunga nang pagpapabaya umano ng aktor sa kanilang anak.
 
Noong nakaraang Miyerkules, inamin at kinumpirma ni Derek na totoong ikinasal sila ni Mary sa huwes sa Bulacan noong 2002, at mayroon na silang anak na lalaki na 11-taong-gulang na ngayon.

Basahin: Derek Ramsay admits to marrying Mary Christine Jolly and having a son

Sa  sinumpaang salaysay ni Derek, ikinuwento nito na nagkakilala sila ni Mary noong 2001 sa isang club sa Makati. Nang taon din iyon, bumalik umano ang babae sa Dubai kung saan naninirahan ang mga magulang nito.



Pero nang umuwi muli sa Pilipinas, nagulat daw ang aktor nang dumiretso sa tinutuluyan niyang apartment si Mary at nakiusap na makituloy sa kaniya dahil mag-aaral ito sa eskwelahan na malapit sa kaniyang tinutuluyan.

Pumayag umano si Derek at doon na nagsimula ang kanilang relasyon at pagsasama. Kasabay nito, unti-unti na rin daw nakilala ng aktor ang tunay na pagkatao ng babae -- kabilang na ang pagiging selosa at bayolente.
 
Sa affidavit, sinabi ni Derek na sinasaktan siya ni Mary kapag nagseselos. Ilang insidente rin umano ang nangyari na nagtangka itong magpakamatay tulad ng banta na tatalon sa bintana na nasa ika-apat na palapag ng gusali.

Basahin: Derek Ramsay, emosyonal matapos maghain ng counter affidavit sa reklamo ng asawa

"I could not get anywhere near her because I was to afraid she might actually fall if i tried to reach for her and pull her up," saad sa salaysay ng aktor.

Sa kabila umano ng lahat, nagpasya si Derek na pakisamahan pa rin si Mary dahil mahal niya ito kahit pa tutol kaniyang ina.

Umasa rin daw si Derek na magbabago si Mary kaya pumayag siyang magpakasal sa huwes sa Bulacan noong 2002.

Ipinaglaglag umano ang unang anak

Ngunit hindi pa rin daw nagbago si Mary, ayon kay Derek, bagkos ay lalo pa umanong lumala ang pagiging selosa nito at insecure.

Ilang buwan ang makalipas, nalaman umano ni Derek na buntis si Mary. At kahit tanggap daw niya na magiging ama na siya, nagpasya raw si Mary na huwag ituloy ang ipinagbubuntis.

Sa isa pa nilang pagtatalo, hindi na raw nakayanan ni Derek ang mga pasaring ni Mary sa kaniyang mga magulang lalo na sa kaniyang ina.

Patuloy ni Derek sa affidavit,  nang magpasya siyang aalis ng bahay, hinarang siya ni Mary na may hawak na patalim at nagbantang magsasaksak sa sarili.



Naresolba umano ang naturang sigalot nang dumating ang mga magulang ni Derek at napakiusapan si Mary na umalis.

Pero pagkaraan ng ilang linggo, muling bumalik si Mary sa tinutuluyan ni Derek para muli silang magsama. Subalit sa pagkakataong ito, si Derek na umano ang umalis ng bahay.

Ilang buwan ang nakalipas, nalaman na lang daw ni Derek na bumalik na sa Dubai si Mary.

Muling nabuntis

Ayon sa "Startalk," taong 2003 nang magsilang si Mary ng sanggol na lalaki. Nalaman ito ni Derek nang bumalik sa Pilipinas si Mary.

Sa counter affidavit ni Derek, sinabi ng aktor na hindi kaagad siya naniwala na siya ang ama ng anak ni Mary dahil sa insidenteng ipinalaglag umano nito ang una nilang anak.

Pero nakumpirma raw ni Derek na siya ang ama ng bata nang makuha ang resulta ng DNA test noong 2006.

Dahil dito, nakipag-ugnayan daw ang aktor sa kampo ni Mary para magkaroon ng kasunduan para sa bata, pati na ang tulong pinansiyal at pagpapaaral.

Nagpakita rin ng ilang katibayan ang kampo ni Derek tungkol sa halagang nakuha umano ng kampo ni Mary.

Taliwas ito sa alegasyon ni Mary na pinababayaan umano ni Derek ang kanilang anak na dahilan para magsampa siya ng reklamo.

Sa kabila ng pinagdadaanan, naniniwala si Derek na lalabas din ang katotohanan sa naturang usapin at nagpaabot siya ng pasasalamat sa mga taong sumusuporta sa kaniya. -- FRJimenez, GMA News