ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Walang kasal na na-bump off sa Balesin resort, ayon sa may-ari


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Kasabay ng pagtanggi nina Heart Evangelista at Senador Chiz Escudero na sila ang dahilan kaya na-bump off umano ang kasal ng isang celebrity, nagbigay na rin ng pahayag tungkol sa isyu ang may-ari ng Balesin resort sa Quezon.

Sa ulat ni Aubrey Carampel sa "Chika Minute" ng GMA news 24 Oras nitong Martes, sinabing naging laman ng social media ang umano'y pagkaka-bump off ng kasal ng isang hindi tinukoy na celebrity na gaganapin din daw sana sa Balesin Island resort sa Quezon bunga ng makakasabay na kasal ng isang celebrity couple.

Bagaman sa umpisa ay hindi binanggit kung sino ang celebrity couple, kalaunan ay nakaladkad na ang pangalan nina Heart at Chiz na unang nagpahayag na balak nilang gawin ang kasal sa kaarawan ng aktres sa February 14, 2015.



Pero paliwanag ng dalawa, wala silang kinalaman sa naging problema ng nasabing kasal ng hindi tinukoy na celebrity.

"Hindi ko maintindihan ba't nagkakaroon ng isyu. Kung may isyu sila sa Balesin, isyu nila 'yon," ayon kay Escudero.

Paliwanag naman ni Heart, "Dapat [Feb.] 15 pero we had to reserve other dates too like 14 to 17 naka-block 'yan to work around it. Very soft pa yung plan namin diyan kasi depende rin sa wedding singer kung sino makakarating, But now parang naglalaro sa 14 or 15."

Paglilinaw ng may-ari

Ang may-ari ng resort na si Roberto Ongpin, naglabas na rin ng pahayag para linawin ang nasabing usapin.

Paliwanag ni Ongpin, siya ang naghikayat sa magkasintahan na sina Chiz at Heart na sa kanilang resort gawin ang kasal.

"I wish everyone to know that it was I who actually invited Heart and Chiz to have their wedding at Balesin when I had dinner with them shortly after they returned from their trip to Paris sometime in July and even before they announced their formal engagement," nakasaad sa pahayag.

Idinagdag sa ulat na malapit na kaibigan ni Ongpin ang dalawa.

Nang tanggapin umano nina Heart at Chiz ang alok, kaagad daw iniutos ni Ongpin sa kaniyang ma tauhan na alamin ang reservation ng Feb. 14.

"I immediately checked with our reservation people who told me that nobody had actually confirmed February 14 as of the time, so I told them to block it off. So, nobody has been 'bumped off," dagdag sa pahayag ni Ongpin.

Ayon kay Heart, wala siyang balak na makasakit ng ibang ikakasal sa araw ng kaniyang kasal.

"Why would you want somebody to be miserable on the day that you're supposed to be happy di ba? So sana maayos," anang aktres.

"But then I guess the best thing is for them to talk to Balesin. Lahat naman kami kliyente and we all just want to get married," dagdag niya.

Nitong Martes ng hapon, nagdesisyon na raw sina Heart at Chiz na ganapin sa Balesin Island ang kanilang kasal sa February 15.

Pero naroon na raw sila ng February 14 para i-celebrate ang kaarawan ng aktres. -- FRJ, GMA News