Filtered By: Showbiz
Showbiz

Dating sexy star na si Katya Santos, pinangarap noon na maging madre


Apat-na-taong-gulang lang nang unang nasilayan sa mga television commercial ang isa sa mga sikat na miyembro ng Viva Hot babes noon na si Katrina Santos, na mas nakilala bilang si Katya Santos.
 
Sa isang episode kamakailan ng GMA's Tunay na Buhay kung saan host si Rhea Santos, sinabing lumalaki pa lamang noon si Katya ay nakikita na ng mga magulang nito ang kaniyang potensiyal na maging artista.
 
Kwento ng ina ni Katya na si Gng. Marichu Santos, “Nung maliit pa lang siya, napapansin na siya ng father niya, na after niya maligo, ganyan, hindi siya makababa nang hindi siya nagli-lipstick, lagi siyang nakaharap sa mirror. Umaarte-arte siya, kumakanta-kanta rin siya. So naisipan ng father niya na bakit hindi na lang daw na bakit hinid na lang daw namin siya ipasok sa mga audition.”
 
Nagsilbing unang break sa showbiz ng aktres ang mapabilang sa kiddie gag show na Ang TV noong 1993.
 
Bukod dito, gumanap din si Katya bilang isang kontrabida sa soap opera na Anna Karenina noong 15-taong-gulang na siya. 
 
Matapos ang ilang taon sa showbiz, itinuon ni Katya ang kanyang atensiyon sa pag-aaral, hanggang sa matapos niya ang kursong Business Management noong 2003.

 
Binalak ng aktres na tumigil nang tuluyan sa pag-aartista pero hindi niya ito nagawa matapos dumating ang alok na tuluyang nagpabago sa kaniyang showbiz career.
 
From child star to sexy actress
 
Taong 2003 nang ilabas ang launching movie ni Katya na pinamagatang Sukdulan, kung saan ipinakilala siya sa sambayanan bilang isang ganap na sexy star.  Tumabo ito sa takilya ng halos P6 milyon sa unang araw pa lamang.
 
“At first, medyo kabado pa rin ako, motivation ko na 'Eto na 'to eh. This is it. Gagawin ko 'to. This is fame. Eto yung launching ko. I have to be great in this movie. Kailangan matalo ko yung mga pelikula bago ito,” ani Katya.
 
Dahil sa mainit na pagtanggap sa kaniya ng mga manonood, nasundan pa ito ng ilan pang pelikula gaya ng Sex Drive, Keka at Boso.
 
Ayon kay Katya, hindi niya nilimitahan ang sarili noon.
 
“Wala akong limitasyon noon. That's how palaban I am that time,” giit ng aktres.
 
Naging isa sa mga orihinal na miyembro ng all-female sexy group na Viva Hot Babes si Katya, kung saan nagpasikat sila ng mga kanta tulad ng ulaklak," "Basketbol" at "Kikay." Bumida rin sila sa mga pelikula gaya ng Masamang Ugat, Ilusyon at Torotot.
 
Gayunpaman, inamin ni Katya na hindi maiiwasan na magkaroon ng alitan sa kanilang grupo.
 
“Kompetisyon sa mga babae. Normal, may mga magkakaaway, may mga nagpapa-primadonna, may mga nag-iinarte,” pagbahagi niya.
 
Pero sa kabila ng lahat, nananatili naman daw matatag ang kanilang pagkakaibigan sa grupo. Katunayan, kasa-kasama niya ngayon sa pagre-relax at pagsasagawa ng “mommy duties” ang dating ka-grupo na si Maui Taylor, isa na ring ina ngayon.
 
Masaya man ang naging takbo ng career ni Katya, hindi pa rin maiiwasan ang mga panghuhusga sa pagiging sexy actress niya.
 
Aniya, “Hindi natin maiiwasan talaga yung stereotype. 'Ay bold star yan.' Syempre masakit din sa amin kasi for us, hinid naman ganun yung title. I mean, maybe naghubad kami, but we're still actresses.”
 
Sa isang bahagi ng panayam, inilahad din ni Katya na minsan niyang pinangarap na maging madre.
 
Aniya, “Pangarap kong maging isang madre, kasi yun ang lagi kong napapanood sa TV tsaka nakikita ko sa simbahan.”
 
Graduate na sa pagpapa-sexy
 
Sampung taon matapos makilala bilang isang sexy actress, larawan na ngayon si Katya Santos ng isang ganap na ina at maybahay.
 
Noong nakaraang taon, ikinasal ang aktres sa non-showbiz boyfriend nito na si Antonio delos Reyes.
 
Nang taon ding iyon, isinilang ni Katya ang panganay na anak na si Tala Marie.
 
Nang tanungin ang pakiramdam ng pagiging isang ina, ani Katya, “It's very rewarding. Everyday, I am so excited to wake up seeing my daughter with me. Masasabi ko na mas nagkaroon ng direksyon ang buhay ko nung nagkaanak ako.”
 
Sa mga proyekto sa telebisyon, gumaganap na rin siya bilang isang ina, kagaya na lamang sa remake ng teleseryeng Villa Quintana. 
 
Inaasikaso rin ni Katya ang negosyo ng kanilang pamilya na na isang family water station.
 
Naglalaan pa rin naman daw si Katya ng oras para sa sarili. Lumalabas pa rin sila ng mga kaibigan at dating ka-grupo mula sa Viva Hot Babes.
 
Marami man ang nagulat sa tinahak niyang landas sa showbiz, wala umanong pinagsisisihan si Katya dahil kinapulutan niya ito ng mga aral at karanasan na siyang humubog sa kung sino at anoman siya ngayon
 
Payo niya, “Take it easy. Siguro malaking factor na hindi ako nakapag-asawa agad at inuna ko yung pag-aaral ko at nakapagtrabaho ako, nakapag-ipon ako. Sinunod ko yung payo ng aking mga magulang and naging madasalin (ako). Every decision I make, talagang ipinagpapasa-Diyos ko palagi.”
 
Nang tanungin kung papaano kung dumating na ang panahon at mag-showbiz din ang kaniyang anak tahakin din ang pagpapa-sexy, tugon ni Katya, "Siguro papayagan ko siya, at the right age. 'Pag natapos rin niya ang pag-aaral niya katulad ng ginawa ko.” FRJ, GMA News

LOADING CONTENT