Filtered By: Showbiz
Showbiz

'Wagas' na proposal ni Raffy kay Mariz, patok sa netizens


Higit sa dalawang taon na ang nakalilipas ngunit patuloy pa ring pinag-uusapan sa social media ang tambalan ng Kapuso reporters na sina Raffy Tima at Mariz Umali.  
 
Enero 1, 2012 nang mag-propose si Raffy kay Mariz sa isang party kasama ang kanilang barkada.
 
Dahil isang masugid na tagahanga ng epic fantaseryeng "Amaya" si Mariz, kinuntsaba ni Raffy ang cast ng programa, kabilang ang Primetime Queen na si Marian Rivera, upang mag-record ng proposal video. Pinanood ng buong barkada, kasama ang walang kamalay-malay na si Mariz, noong unang araw ng bagong taong 2012.
 
 
Ikinasal ang dalawa noong December 8, 2012 at matapos ang dalawang taon bilang mag-asawa, naniniwala pa rin silang isang matatag na pundasyon ng kanilang relasyon ang kanilang pagkakaibigan.
 
Kamakailan lamang nang isinapubliko ang love story nina Raffy at Mariz sa isang episode ng programang "Wagas: Mga totoong kuwento ng pag-ibig."
 
Simula noon, pinag-usapan na sa social media hindi lamang ang kanilang “Unexpected Love,” kundi maging ang malikhain at kakaibang proposal ni Raffy kay Mariz. 
 
Sa official page ng GMA News social networking site na Facebook, umani na ng halos 13,000 likes at mahigit 600 shares ang video ng wedding proposal ni Raffy. 
 
 
 
Natuwa naman sina Raffy at Mariz na pumatok sa mga netizens ang kanilang kuwento.
 
"Overwhelmed tsaka nakakatuwa dahil na-re-relive yung excitement at romantic moment ng mismong proposal two years ago. I hope we continue to inspire more couples to be happy and for them to continually stay in love," ani Raffy. — With a report from Ederic Eder/JST, GMA News