ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Tradisyunal na paraan ng pamamanhikan ng pamilya ni Dingdong kay Marian


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Namanhikan na ang pamilya ni Dingdong Dantes sa pamilya ni Marian Rivera sa Cavite nitong Miyerkules ng gabi. Ano kaya ang napag-usapan at mga pagkaing pinagsaluhan ng dalawang pamilya?

Sa ulat ni Lhar Santiago sa "Chika Minute" ng GMA news 24 Oras nitong Huwebes, sinabing tradisyunal ang paraan na ginawang pamamahinkikan ng pamilya ni Dingdong.

Nagdala ang pamilya Dantes ng pagkain, at ipinaghanda rin sila ng pamilya ni Marian.

Sa Instagram post ng aktor, ikinuwento niya na pinagsaluhan nila ang mga putaheng Korean beef ng kanyang ina, ang menudo ng lola Inkang ni Marian at ang healthy lumpia ng mama Amy ni Marian.

"Mahalaga talaga na officially eh madala ko yung family ko du'n sa kanila dahil yung mga kapatid ko nakarating na sa kanila pero yung mommy saka daddy ko hindi pa," ayon kay Dingdong.



Katulad ng kaugaliang Pilipino, ang ama ng aktor ang nagsalita sa ginawang paghingi ni Dingdong sa kamay ni Marian.

Napag-usapan din ang iba pang mga detalye sa kasal.

Ayon kay Dingdong, si Marian ang magiging in-charge sa give-aways sa kanilang kasal at kinuha naman ang opinyon ng lahat sa hitsura at magiging lay-out ng give-away.

Ngayong patapos na ang kinabibilangang serye na Ang Dalawang Mrs Real, tututukan daw ni Dingdong ang preparasyon sa kanilang kasal na gaganapin sa Disyembre.

Kasabay nito, hinikayat ng aktor ang publiko na huwag bibitiw sa nalalabing araw ng primetime series.

"Ang daming revelations, daming resolutions, so abangan nila kung saan hahantong yung istorya niya, pamilya niya, kung ano mangyayari," ani Dingdong. -- FRJ, GMA News