ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Paghaharap nina Derek Ramsay at kaniyang mag-ina, naging emosyunal


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sa unang pagkakataon, nagkaharap-harap sina Derek Ramsay, ang kaniyang estranged wife at ang 11-anyos nilang anak. Naging emosyonal ang bata nang dumalo ito sa piskalya at nakausap nang masinsinan ang kaniyang ama.

Naganap ang naturang paghaharap sa Makati Prosecutors Office nitong Huwebes kaugnay ng preliminary investigation sa reklamong paglabag sa Republic Act 9262 o anti-violence against women and their children act, na isinampa ni Mary Christine Jolly kay Derek.

Sa "Chika Minute" report ni Nelson Canlas sa GMA news 24 Oras nitong Huwebes, sinabing naging emosyonal ang anak ni Derek.

Naging closed-door-session umano ang naturang preliminary investigation.

Makalipas ng ilang minuto, lumuluha na lumabas sa Prosecutors Office ang anak nina Derek at Jolly.



Ayon kay Jolly, nais sana ng anak na samahan siyang magsumite ng kaniyang reply affidavit.

Nais daw kasing magbigay ng bata ng isang liham na nagsasaad ng kanyang saloobin tungkol sa kanyang ama. May isang drawing din umano ang bata kung saan nasa loob ng piitan ang isang imahe na may pangalang Derek.

Pero hindi na isinumite ni Jolly ang reply affidavit dahil matapos ang preliminary investigation, binigyan ng piskalya ng pagkakataon ang estranged couple na mag-usap na silang dalawa lamang.

Nagkaroon din ng pagkakataon na makausap ng solo ni Derek ang kaniyang anak.

At matapos nito, ipinagbawal na ng piskalya ang paglalabas ng anumang bagay na nasasaad sa mga dokumentong isinumite nina Derek at Jolly sa piskal.

Ayon kay Makati City Assistant Prosecutor Erwin Dimayacyac, pag-uusapan ang magiging laman ng kasunduan patungkol sa child support, annulment, visitation right at citizenship.

Sinabi naman ni Derek na gagawin niya ang lahat para sa kaniyang anak. -- FRJ, GMA News