Paolo Ballesteros, 'di inakalang mapapansin sa ibang bansa ang kaniyang makeup transformation
Ang magpasaya raw ng mga tao ang dahilan ni Paolo Ballesteros sa ginagawa niyang pag-upload sa social media ng kaniyang mga makeup transformation. Kaya naman hindi raw inaasahan ng Eat Bulaga! co-host na mapapansin ito sa ibang bansa at ma-feature sa ilang international media outlets.
Sa "Chika Minute" report ni Aubrey Carampel sa GMA news 24 Oras, sinabi ni Paolo na iba't ibang programa na ang gusto siyang i-guest dahil sa ginagawa niyang panggagaya para maging kamukha ang ilang local at international celebrities.
Pinakahuling ginaya ni Paolo ang Hollywood actress na si Jennifer Aniston at ang Hollywood legend na si Audrey Hepburn.
LoadingJENNIFERRE @jenniferre20 ???????????? #makeuptransformation #transformlangnangtransform #waedit #jenniferaniston #waglangmakitanibradpittsagabe thanks @lynellehair
Dahil nga sa husay ng Eat Bulaga dabarkads, na-feature na ang kaniyang ginagawa sa ilang international media outlets gaya ng sikat na morning show sa America na Today Show, at sa mga online news websites gaya ng Dailymail sa UK at Cosmopolitan magazine.
Hindi naman daw nakapagtataka na may pambihirang talento si Paolo sa naturang uri ng sining dahil apo pala siya ng National Artist na si Fernando Amorsolo.
Ayon kay Paolo, inaabot raw siya ng dalawa hanggang apat na oras para makumpleto ang kaniyang makeup transformation.
At pag-amin ni Paolo, siya man ay nagugulat at natatawa kapag malapit na niyang makita ang resulta ng kaniyang kinopya.
Dagdag pa ng TV host-actor, ginagawa niya ang pag-post sa social media ng transformation para matuwa ang mga makakakita nito at hindi niya sadyang pakay na mapansin sa ibang bansa.
Bukod dito, ginagamit din niya ang panggagaya sa mga celebrities lalo na ang mga singer bilang bahagi ng kaniyang trabaho sa Eat Bulaga.
Tungkol sa mga kahilingan na maging guest siya sa Hollywood show na Ellen DeGeneres na madalas nagpi-feature ng mga online sensation, sinabi ni Paolo na, "Hindi ko naman ginagawa ito para ma-guest sa 'Ellen,' pero kung makikita niya, mano-notice niya yung talent ko, why not?" -- FRJ, GMA News