ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Paggunita sa ilang idolong artista na namayapa na


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Ngayong nalalapit na muli ang Undas, nananatiling buhay sa mga tagahanga ang alaala ng kanilang mga namayapang idolong artista.  Narito ang ilan sa kanila.
 
 
Julie Vega (1968-1985)
Isa sa mga hindi malilimutang child actress noong 70's si Julie Vega, na binawian ng buhay ilang araw bago ang kanyang ika-17 na kaarawan dahil sa multiple sclerosis, cardiac arrest, at bronchopneumonia. 
 
Sa kabila nito, marami ang nagsasabi na supernatural daw ang sanhi ng pagkamatay ng aktres. Pinamumugaran umano ng mga engkanto ang bahay sa Mt. Manalmon kung saan ang location ng huling pelikula ni Julie, ang horror film na "Lovingly Yours, Helen."
 


Nida Blanca (1936-2001)
Nobyembre naman noong 2001 nang maganap ang kalunos-lunos na pagkamatay ng beteranang aktres na si Nida Blanca, matapos magtamo ng 13 na saksak sa iba't ibang bahagi ng katawan. Natagpuan ang mga labi ni Nida sa loob ng kaniyang sasakyan sa isang parking lot. 
 
Makaraan ang 13 taon matapos ang krimen, hindi pa rin natutukoy ang tunay na may sala at ang motibo sa pagpatay sa aktres.
 
Rico Yan (1975-2002)
Pinaniniwalaang binangungot ang matinee idol na si Rico Yan habang natutulog sa hotel room matapos dumalo sa isang party, na siyang naging sanhi ng kaniyang pagkamatay.
 
Gayunpaman, ayon sa lumabas na autopsy report, cardiac arrest dahil sa acute hemmorhagic pancreatitis ang dahilan ng maaga niyang paglisan sa mundo.
 
Miko Sotto (1982-2003)
 
Binawian naman ng buhay ang aktor na si Miko Sotto, anak nina Ali at Maru Sotto, dahil sa isang aksidente sa kaniyang condominium unit noong 2003. Kabilang si Miko sa prominenteng pamilya Sotto sa showbiz. 
 
Nawalan umano ng balanse ang aktor mula sa pagkakaupo sa railing ng balkonahe ng kaniyang condo unit sa Mandaluyong, na nasa ika-9 na palapag. Namatay si Miko dahil sa multiple skull fracture.-- Bianca Rose Dabu/FRJ, GMA News
 
 

Tags: tiyapusit