Bianca Guidotti, crowd favorite sa Miss International competition
Crowd favorite umano ang pambato ng Pilipinas na si Bianca Guidotti sa Miss International ngayong taon, ayon sa isang ulat sa 24 Oras nitong Miyerkules.
Marami rin umano ang nagsasabi na malaki ang pag-asa ni Bianca na makapasok sa Top 3 ng nasabing kompetisyon.
Ayon kay Bianca, patuloy lang ang kaniyang pagsisikap upang maiuwi ang korona at makamit ang back-to-back win sa Miss International.
Umaasa rin ang beauty queen na hindi magbabago ang suporta ng mga Pilipino sa kaniya, pati na sa pagboto sa kaniya sa pamamagitan ng Internet.
Kabilang si Bianca sa mga nakisaya sa Japan Food Fair sa Tokyo. Kasama niya ang pambato ng Canada na isa ring Filipina at kaibigan ni Miss International 2013 Bea Rose Santiago.
Gaganapin ang coronation night ng naturang pageant sa November 11 sa Grand Prince Hotel Takanawa sa Tokyo, Japan. -- Bianca Rose Dabu/FRJ, GMA News