Ang kuwento ng batang kalye na 'math wizard' sa Magpakailanman
Genius. Wizard.
Iyan ang bansag kay Gerald Tamayo, ang batang kalye na kumalat ang video sa internet at naging laman ng mga balita dahil nagagawa niyang sagutin ang mga mahihirap na math equation. Papaano nga ba ito nagawa ng isang batang hindi nag-aaral at palaboy sa lansangan?
Sa episode ng Magpakailanman ngayong Sabado, Nobyembre 15, samahan si Tita Mel Tiangco sa kaniyang pagkilala sa batang sumikat dahil sa kaniyang nakabibilib na kakayanan sa matematika.
Alamin ang kuwento sa likod ng kaniyang talino, na maging ang mga engineering student na nakilala niya sa kalye ay bumilib sa kaniya.
Ano nga bang malungkot na bahagi ng kaniyang buhay at problemang pasan sa kaniyang balikat na nagtulak sa kaniya para magbenta ng sampaguita sa lansangan?
Sa episode na “Henyo ng Bangketa: the Gerald Tamayo Story,” na unang handog ng Magpakailanman para second anniversary ng programa ay itatampok ang mga batikang aktres na sina Gina Pareno at Mylene Dizon.
Kasama rin sina Miggs Cuaderno, Gerard Madrid, Rap Fernandez, at Ina Feleo.
Ito ay sa direksiyon ni Neal del Rosario, mula sa panulat ni Maribel Ilag, at pananaliksik ni Loi Argel Nova.
Mapapanood ang Magpakailanman sa Sabado pagkatapos ng Pepito Manaloto. -- FRJ, GMA News