Paghahanda ng relief goods, sinimulan ng GMA Foundation; ilang stars, nag-volunteer
Ilang Kapuso stars ang nakiisa sa ginagawang repacking ng relief goods ng GMA Kapuso Foundation bilang paghahanda na rin sa tulong na ibibigay sa mga maaapektuhan ng bagyong "Ruby."
Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Sabado, sinabing ihahatid sa iba't ibang lugar na mapipinsala ng bagyo ang ang mga inihandang relief goods na kinabibilangan ng bigas, instant noodles, mga de-lata, gamot at iba pang pangunahing pangangailangan.
Kabilang sa mga maaagang nag-volunteer na Kapuso stars ay sina Iya Villania, Christian Bautista, Miguel Tanfelix, at Bianca Umali.
Ayon kay Iya, masaya ang pakiramdam na makatulong pero may halo itong pag-aalala dahil nangangahulugan ito na may mga taong nangangailangan ng tulong.
"As an artist I encouraged everyone na tumulong pa, get ready na tumulong," ani Christian.
Kabilang sa mga lugar na padadalhan ng relief goods ay ang Northen at Eastern Samar, Tacloban City, Naga City, Bicol Region, Iloilo at Cebu.
Bukas ang tanggapan ng GMA Kapuso Foundation sa mga nais tumulong sa repacking ng relief goods. Tumawag lang sa mga numerong 928-9351/928-7777 local 9905 at hanapin lang si Libby o Lydia para sa schedule bago pumunta.
Paalala rin sa mga nais mag-volunteer, magdala lamang po ng sariling inuming tubig, pagkain at ekstrang damit na pamalit. -- FRJ, GMA News