Alden Richards, excited na sa nabiling bahay sa Laguna
Excited na raw si Alden Richards na mag-bagong taon sa bagong bahay na nabili niya sa Laguna.
Sa ulat ni Lhar Santiago sa "Chika Minute" ng GMA News 24 Oras nitong Miyerkules, humarap si Alden sa press kasama ang ilan sa semi-finalists ng talent show na "Bet Ng Bayan."
Ipinagmamalaki ni Alden ang husay ng mga napili nilang kalahok mula sa iba't ibang bahagi ng bansa.
"Nagulat po ako sa naipakitang talents ng mga Kapuso natin all over the Philippines, na meron pa palang ganito," anang TV host-actor.
Bukod sa taping para sa "Bet Ng Bayan," inaasikaso rin ni Alden ngayon ang bagong bahay na binili niya sa Laguna.
"Four years na siyang nakatayo pero po hindi siya natitirhan, and yung may-ari is naka-base sa Italy so may gamit na siya and konting renovation na lang," kuwento ni Alden.
Pagkatapos ng "Bet Ng Bayan," pahinga daw muna si Alden bago siya magsimula ng bagong soap.
Bukod sa tv projects, sinabi ni Alden na malamang ay maging abala siya sa paggawa ng mga pelikula sa susunod na taon. -- FRJ, GMA News