ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Mariel Rodriguez, housewife at martial arts partner ni Robin Padilla


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Ibinahagi ng dating "Badboy" ng Philippine Cinema na si Robin Padilla kung paano umusbong ang pag-iibigan nila ng kaniyang maybahay na television host na si Mariel Rodriguez.
 
Sa panayam sa kaniya sa Tonight with Arnold Clavio nitong Miyerkules ng gabi, sinabi ni Robin na una niyang nakilala si Mariel nang maging guest siya sa isang noontime show kung saan host si Mariel.
 
Kahihiwalay lamang daw nila noon ng aktor ng kaniyang ex-wife na si Liezl Sycangco kaya 'nagdadalamhati' pa umano ang kaniyang puso.
 
“Noong nagkakilala kami, kahihiwalay ko lang. Nagdadalamhati ako, wala akong planong umibig. Na-develop lang talaga. Mabait kasi si Mariel tsaka si Pokwang. Tuwing umaga, magpapadala ng pagkain na may love letter pa,” kuwento ni Robin.
 
Dagdag pa niya, “Natitigan ko. 'Ang ganda pala nito.' Naamoy-amoy ko pa. Mabango.”
 


Mas umigting daw ang nararamdaman ni Robin nang pumayag si Mariel na iwan ang lahat upang maipagpatuloy ang pagmamahalan nila.
 
“Tinakas ko 'yon eh. Dinala ko sa abroad bigla. Iniwan niya lahat so medyo nagkaroon ng hindi pagkakaintindihan sa mother network niya. Doon ako na-in love nang tuluyan. Nung sinabi kong 'Tara na!' iniwan niya talaga lahat,” kuwento ng action star.
 
Apat na taon na ang lumipas nang magpakasal ang dalawa, at pinangangatawanan daw talaga ni Mariel ang pagiging mabuting maybahay sa kaniya.
 
Bukod sa pagluluto, masipag daw si Mariel sa mga gawaing bahay. Sinasamahan din daw siya ni Mariel sa pag-e-ensayo ng martial arts, na isa sa mga pangunahing libangan at passion ng aktor.
 
“Pinangatawan na niya ang pagiging housewife. Dati hindi marunong magluto 'yan, hindi marunong maglaba. Pero dahil sa pag-ibig niya, lahat 'yun natutuhan niya,” ani Robin.
 
“Kahit nagkakaputok-putok ang kamay niyan, sinasabayan niya ako. 'Yon ang pamamaraan niya para hindi ako makatingin sa iba. Minsan makikita mo 'yung kamay niya ay maga, may bali, pero sama lang siya,” patuloy ng aktor.
 
Inamin din ni Robin na nahilig siya sa organic food at farming dahil na rin sa paghikayat sa kaniya ni Mariel.
 
“Nahilig kami sa organic kasi ang gusto ni Mariel, humaba ang buhay ko dahil ang layo ng edad namin. 15 years. Nung nag-research kami, the only way na mangyayari 'yun is mag-organic food kami,” paliwanag niya.
 
Bukod sa mga gawaing bahay, farming at martial arts, nakakapag-bonding din ang mag-asawa sa pamamagitan ng pagta-travel. Nitong taon lamang, nagpunta ang mag-asawa sa Europe. -- BRDabu/FRJ, GMA News