Jam Sebastian, 'di iiwan ng ina at kapatid sa laban niya sa lung cancer
Sa harap ng matinding hirap na pinagdadaanan ng internet sensation na si Jam Sebastian sa pakikipaglaban sa lung cancer, umaasa ang kaniyang inang si Maricar at kapatid na si Yexel na malalampasan niya ang kinakaharap na pasubok.
Sa exclusive interview ng Startalk na ipinalabas nitong Sabado, sinabi ni Mrs Maricar na ipinagdadasal nila na magkaroon ng milagro sa agarang pagbuti ng kalagayan ni Jam, na higit na nakilala sa tambalan nila sa Youtube ni Mitch.
"Everyday torture, every minute may fear. Kasi nga hindi mo alam laging may surprises na nangyayari sa anak ko," pahayag niya. "Kung ano yung ayaw kung marinig, kung ano yung ayaw kong mangyari, 'yon yung nangyayari ngayon sa anak ko."
Nananatili raw ang kanilang pananampalataya na gagaling si Jam na siyam na buwan na ngayong nakikipagbuno sa cancer.
Ayon naman kay Yexel, number one na kailangan nila ngayon ang panalangin dahil sadyang mahirap na kalaban umano ang dumapong sakit sa kaniyang kapatid.
Emosyunal naman na inihayag ni Mrs Maricar na ipinagdadasal niya noon na sana'y mauna siya sa kanilang mga anak, "kasi hindi ko kakayanin kahit isa sa kanila mawala."
Ayon pa kay Mrs Maricar, kay Yexel siya kumukuha ng tibay ng loob dahil hindi umano niya kakayanin ang pinagdadaanan ng bunsong anak na si Jam kung mag-isa lamang siya.
Samantala, nagpahayag naman ng paghanga at pasasalamat si Yexel sa nobya ng kapatid na si Mitch dahil hindi nito iniiwan si Jam sa kabila ng mga nangyari.
Ngayong Pasko, magiging magandang aguinaldo sa pamilya Sebastian ang paggaling ni Jam, at patuloy pa nila itong makakasama.
Gayunpaman, aminado si Mrs Maricar na magiging mahirap sa kanila na magdiwang ng Pasko ngayon lalo pa't linggu-linggong isasailalim sa chemotherapy si Jam.
"Para sa amin siguro wala munang Pasko, kasi ang hirap maging masaya this Christmas kung alam mong nagsa-suffer yung anak mo," ayon sa kaniya.
Naging emosyunal din si Mrs Maricar nang hingan ng mensahe para sa kaniyang anak na si Jam, "Anak, alam kong hirap na hirap ka na, lakasan mo ang loob mo nandito lang kami ng kuya mo, hindi ka namin pababayaan. Alam ko kaya mo ito anak, dahil alam ko fighter ka. Labanan natin ito anak, kaya natin ito. Remember yung promise mo na akin na 'di mo ko iiwan anak. Please anak, kaya natin ito, dasal lang tayo." -- FRJ, GMA News