'Parade of Stars' sa Roxas Blvd, umabot ng 3 oras; 'Kubot...,' nakakuha ng A Rating
Nagpasiklaban sa kani-kanilang float ang mga pelikulang kalahok sa taunang Metro Manila Film Festival nitong Martes ng hapon. Gaya ng inaasahan, dinumog ng mga tao ang "Parade of Stars" sa Roxas Boulevard sa Maynila na tumagal ng may tatlong oras.
Sa ulat ni Nelson Canlas sa GMA News 24 Oras, sinabing 1:00 p.m. nang isinara ang southbound lane ng Roxas Blvd bilang paghahanda sa pagsisimula ng parada.
Ayon kay MMDA chairman Francis Tolentino, sapat ang ibinigay nilang impormasyon tungkol sa naturang parada na inaasahang magdudulot ng pagbigat ng daloy ng trapiko.
Dakong 2:00 p.m. nang tumulak na ang parada at nasilayan ng mga tao ang iba't ibang disenyo ng mga float ng walong pelikulang kasali sa MMFF.
Kabilang sa pumarada ang float ng "My Big Bossing's Adventures" na may disenyo ng malaking buntot ng mermaid sina Vic Sotto, Pauleen Luna, Ryzza Mae Dizon, Alonzo at Niño Muhlach, Ruby Rodriguez, Jose Manalo at Wally Bayola.
Ang float ng "Kubot: The Aswang Chronicles" na pinagbibidahan ni Dingdong Dantes ay hitsurang jeep na biyaheng langit ang dating.
Ang Kapuso star na si Jennylyn Mercado, bumida naman sa mala-yellow pad na float ng "English Only Please."
Matapos ang matinding init ng araw, nagbadya ang ulan pero bale wala raw ito sa mga celebrity at sa fans.
Si Robin Padilla na bida sa "Bonifacio," hinikayat ang publiko na suportahan ang mga kalahok na pelikula sa taunang MMFF.
Tuwang-tuwa naman si Dingdong at ang cast members ng "Kubot" dahil binigyan ng "A Rating" ng Cinema Evaluation Board ang kanilang pelikula.
"Ibig pong sabihin talagang na-appreciate ng mga judge yung aming likha," ani Dingdong. -- FRJ, GMA News