Wish at payo ng ilang celebrities sa bagong kasal na sina Dingdong at Marian
Ilang malapit na personalidad sa newlywed na sina Dingdong Dantes at Marian Rivera ang nagbigay ng kanilang mensahe sa dalawa. Kabilang sa kanilang wish, magkaroon ng maraming anak ang dalawa.
Sa ulat ng GMA News nitong Martes, sinabing nagmistulang awards night ang kasal ng Kapuso Royal Couple sa dami ng naglalakihang pangalang dumalo.
Tinatayang nasa 700 bisita ang imbitado sa kasal at nasa 80 pulis ang nagbantay hanggang matapos ng seremonya ng kasal, bukod pa sa security ng GMA Network.
Si Helen Gamboa-Sotto, na isa sa mga principal sponsor sa kasal, pinayuhan sina Dingdong at Marian na gawing sentro ng kanilang buhay ang Panginoon.
Nitong nakaraang Setyembre, ipinagdiwang nina Helen at Sen. Tito Sotto ang ika-45 taong anibersaryo ng kanilang kasal.
Ang Kapuso anchor na si Mike Enriquez, pinayuhan sina Dingdong at Marian na huwag aalisin ang pagiging magkaibigan kahit mag-asawa na.
"Basta manatili lang silang magkaibigan all the time, ayos 'yan," ayon sa Imbestigador ng Bayan na 37-years nang kasal sa kaniyang maybahay na si Baby.
"Si Marian at si Dong just right for each other. Kaya wala akong kaduda-dudang panghabambuhay na 'to," ani Mike.
Ang lola ni Dingdong na si Doña Consuelo, wish na habambuhay ang pagsasama ng dalawa at mabiyayaan ng maraming anak.
Ganito rin ang hangad ni TV host at talent manager na si Lolit Solis, na principal sponsor din sa kasal.
"Sana magkaroon sila ng maraming anak dahil maganda yung lahi nila," ani Manay Lolit.
Dagdag naman ni German Moreno na ninong din sa kasal, "Siyempre (isagawa) kung ano yung panunumpaan nila sa ating Panginoon, sa harap ng dambana na magsasama sa hirap at ginhawa."
Ayon naman actor-politician na si Anjo Yllana, suwerte sa isa't isa sina Dingdong at Marian, at hindi raw siya nagtaka kung bakit nagustuhan ni Dingdong si Marian.
"Siyempre maganda, pangalawa mabait, pangatlo mabungisngis. Siyempre masarap kasama kapag masaya yung taong kasama mo. Lahat-lahat na nasa kanya na siguro,"patungkol ni Anjo kay Marian.
"Si Dong guwapo rin, mabait," dagdag niya. — FRJ, GMA News