Filtered By: Showbiz
Showbiz

Kuya Germs, bumubuti na ang kondisyon matapos makaranas ng mild stroke


Bumubuti na ang kondisyon ng batikang showbiz personality na si German Moreno o mas kilala bilang si Kuya Germs matapos dumanas ng mild stroke noong nakaraang Biyernes, ayon sa ulat ng "Balitanghali" nitong Linggo.


 
 
Ayon sa anak ni Kuya Germs na si Federico Moreno, masigla na muli ang 71-year-old showbiz veteran at nakatutugon na sa iba't ibang therapy. Nakakatulog na rin umano ito ng maayos at nakakakain na.
 
Kasalukuyang nasa Acute Stroke Care Unit (ASCU) ng St. Luke's Medical Center sa Quezon City si Kuya Germs.
 
Samantala, patuloy na humihingi ng pang-unawa ang pamilya nito sa mga nais bumisita rito dahil hindi muna raw sila makatatanggap ng mga bisita alinsunod na rin sa utos ng doktor.
 
Humihingi naman sila ng panalangin para sa agarang paggaling ng batikang showbiz personality,
 
Ayon kay Chuchi Fajardo, sekretarya ni Moreno, sa naunang pahayag, nagkaroon ng mild stroke ang Master Showman dahil sa "over fatigue" o matinding pagod. — Bianca Rose Dabu/JDS, GMA News