Filtered By: Showbiz
Showbiz

Kasambahay na nanalo ng P1 milyon sa 'Laban o Bawi,' dating minaltratong OFW


Matapos ang pagbabalik ng 'Laban o Bawi' segment ng longest-running noontime show na Eat Bulaga noong nakaraang taon, nagkaroon na nga ng kauna-unahang milyonaryo ang naturang game show.
 
Nanalo ang kasambahay na si Salmiya Makasait ng isang milyong piso matapos 'lumaban' hanggang dulo sa sinalihang game show nitong Martes. 
 
 
 
Ayon sa ulat ni Aubrey Carampel sa "24 Oras," noong nasa audition pa lang daw si Salmiya, napag-desisyunan niya nang lumaban imbes na bumawi at kunin na lamang ang perang inaalok sa kanya ng segment host. Gayunpaman, hindi niya raw akalain kahit sa panaginip na magiging milyonarya siya.
 
Kasama pa nga niyang pumunta sa studio ng Eat Bulaga ang kanyang amo na si Nora Abarra, kung saan limang taon na siyang namamasukan.

Si Nora umano ang tumulong sa kanyang makauwi sa Pilipinas matapos mag-trabaho bilang domestic helper sa Saudi Arabia. Dumanas umano ng pangmamaltrato, gaya ng hindi pagpapasweldo ng isang taon at hindi pagpapakain ng maayos, si Salmiya sa Saudi.
 
Ayon kay Salmiya, na isang single mother, ang una niyang gagawin sa perang napanalunan ay puntahan ang apat na anak niyang naiwan sa kanyang ina sa Basilan nang magsimula siyang mamasukan bilang kasambahay. 
 
Bukod rito, balak rin daw niyang magtay ng negosyo upang makatulong sa gastusin. — JST, GMA News
LOADING CONTENT