Erap's daughter on Kris: 'Brutally honest...but obviously cannot handle the truth herself'
Bukod kay Pangulong Benigno Aquino III, nalalagay din ngayon sa kontrobersiya kaugnay ng madugong engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao ang bunso niyang kapatid na si Kris Aquino dahil sa pagtatanggol nito sa kaniyang Kuya 'Noy.
Kamakailan lang ay lumabas ang mga ulat ng pag-unfollow ni Kris sa ilang celebrities na nag-post ng mga komento sa social media ng hindi pabor sa katayuan ng pangulo.
Nahaharap sa mga kritisismo si Pangulong Aquino dahil sa pagkasawi ng 44 na kasapi ng Special Action Force sa Mamamasapano operation, at hindi niya pagdalo sa arrival honors ng mga nasawing police commandos.
Pero hindi lang si Aquino ngayon ang napupuna, kung hindi pati na si Kris dahil sa pagtatanggol sa kaniyang kapatid.
Ang anak ng dating pangulo at ngayo'y Manila Mayor Joseph Estrada na si Jerika Ejercito, nag-post sa kaniyang Facebook account ng patama kay Kris.
Ang komento ni Jerika ay nakapaloob sa i-repost niyang artikulo na titulong, "Kris Aquino defends brother, doesn’t seem to understand duties of the President.”
Puna ni Jerika, misis ng aktor na si Bernard Palanca, hindi raw kaya ni Kris na tanggapin ang katotohanan.
Ayon kay Jerika, "Don't dish it out if you can't handle it. Sheesh...every night she bullies her guests on a&a and every morning does it all over again on her show cleverly named kristv her poor guests publicly humiliated...she feels entitled to be BRUTALLY HONEST day in, day out...but obviously cannot handle the truth herself."
Si Kris na aktibo sa kaniyang Instagram, wala pang tugon sa nabanggit na post ni Jerika.
Matatandaang kamakailan lamang, nagkaroon din ng hindi pagkakaunawaan si Kris sa ang mag-asawang Ogie Alcasid at Regine Velasquez hinggil sa naging opinyon nila sa sa "Fallen 44."
Nakahingi na umano ng paumanhin si Kris sa mag-asawa at nagkaayos na rin sila matapos ang pag-uusap at paglilinaw sa mga lumabas na balita na ikinasama ng loob ng presidential sister.
Maging si Judy Anne Santos ay in-unfollow din umano ni Kris dahil sa isyu pa rin ng "Fallen 44." -- Bianca Rose Dabu/FRJ, GMA News