ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Mich Liggayu sa lagay ng nobyong si Jam Sebastian: 'Sobrang hirap na hirap na po siya'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sa episode ng Startalk noong nakaraang linggo, inamin ng ina ni Jam Sebastian na nakiusap ang kaniyang anak na tapusin na ang kaniyang paghihirap sa pakikipaglaban sa sakit na cancer. Nitong Sabado, inilahad naman sa programa ni Mich Liggayu na labis siyang nalulungkot sa kalagayan ngayon ng kaniyang nobyo.

WATCH: Jam Sebastian, may mabigat na hiling na 'di kayang ibigay ng kaniyang pamilya
 
"Lahat kami sa family, friends sobrang nade-depress din kaming lahat sa nangyayari. Kasi alam namin na ito na yung stage na hindi namin na-imagine before na aabot sa ganito," pahayag ni Mich sa recorded interview na ipinalabas sa Startalk nitong Sabado, Feb. 7.
 
Pagtatapat pa ni Mich, sa nagdaang mga araw ay hindi na niya kayang titigan nang matagal ang nobyo dahil sa kalagayan nito.
 
Halos isang taon na mula nang matuklasan na may lung cancer ni Jam.
 


Dahil sa paglubha ng kaniyang kalagayan, sinabing hiniling na ni Jam sa kaniyang pamilya ang euthanasia o mercy killing.
 
Nang malaman daw ito ni Mich, sinabi ng dalaga na nag-panic siya.
 
"Na-shock ako siyempre talaga, sobrang nag-panic ako nu'n. Sabi ko sa kaniya na magdasal lang tayo kasi lahat naman ng answer nahahanap sa prayers," kuwento ng dalaga.
 
Sinabi pa ni Mich na ipinagdasal niya at ipinapaubaya na niya sa Diyos ang lahat.
 
"Ang maibibigay ko na lang po talaga is prayer...na maibibigay nating lahat sa kaniya na maging comfortable siya, magkaroon siya peace sa puso niya," patuloy ni Mich.
 
Sa susunod na buwan ay 7th anniversary nina Jam at Mich na sumikat bilang Youtube couple.
 
Pero ayon mismo kay Mitch, "Sa nakikita ko po kay Jam ang hirap na pong sabihin na ganun...kinausap sila ni Jam na parang nagbibilin na nga daw po."
 
Pahayag pa ng dalaga, "Sa nakikita ko kay Jam sobrang hirap na hirap na po siya.'
 
Lagi daw niyang sinabi sa nobyo laliman pa lalo ang pananampatalaya dahil iyon lang umano ang sagot sa lahat ng pinagdadaanan nito. -- FRJ, GMA News