advertisement
Filtered By: Showbiz
Showbiz

GUESS: What do Heart, Vilma, Sharon, and Imelda have in common?


Nitong Linggo, nag-isang dibdib sina Heart Evangelista at Chiz Escudero. Isa lamang ito sa ilang mga high-profile na pagpapakasal ng mga bituin ng showbiz at politika. Balikan natin ang ilan pang mga celebrity-politician weddings.
 
1. Vilma Santos and Ralph Recto (1992)
 
 
 
Ikinasal ang tinaguriang 'Star for All Seasons' na si Vilma Santos kay Senador Ralph Recto, na noon ay kinatawan pa lamang ng 4th ditrict of Batangas, noong 1992 ilang taon matapos ang paghihiwalay nila ng aktor na si Edu Manzano.
 
Noong 1998, pinasok na rin ni Vilma ang politika at nanalong Mayor ng Lipa City sa Batangas, isang posisyong hinawakan niya ng tatlong taon. Si Vilma ang kauna-unahang babaeng alkalde ng nasabing siyudad. Simula naman noong 2007 hanggang sa kasalukuyan, ginagampanan niya ang mga tungkulin bilang gobernador ng Batangas. Siya rin ang kauna-unahang babaeng gobernador ng lalawigan.
 
Nagkaroon ng isang lalaking anak ang mag-asawa na pinangalanan nilang Ryan Christian.

 
 
 
2. Assunta de Rossi and Jules Ledesma (2004)
 
 
Naging kontrobersyal ang pakikipag-relasyon ni Assunta de Rossi kay kay Cong. Jules Ledesma, gawa na rin ng 21 taon na agwat sa kanilang edad. Bukod dito, isang balo si Jules, na may dalawang anak sa kaniyang yumaong asaw.
 
Ngunit sa kabila ng mga batikos at haka-haka sa kanilang relasyon, ikinasal ang dalawa noong 2004. At ngayong, lagpas isang dekada na ang nakakaraan, going strong pa rin ang pag-iisang dibdib ng dalawa.

 
 
 
3. Sharon Cuneta and Francis Pangilinan (1996)
 
 
Ikinasal ang 'Megastar' na si Sharon Cuneta sa senador na si Kiko Pangilinan noong 1996, halos sampung taon matapos ang paghihiwalay nila ng aktor na si Gabby Concepcion.
 
Nagkaroon sila ng dalawang babaeng anak na sina Simone Francesca Emmanuelle "Frankie" at Mariel Daniella Sophia "Miel," habang kinupkop naman nila si Miguel Samuel Mateo noong 2009. 
 
Legal na ring inampon ni Kiko ang aktres na si KC Concepcion, anak ni Sharon sa unang asawang si Gabby.
 
 
 
4. Shalani Soledad and Roman Romulo (2012)
 
 
 
Unang nakilala si Shalani Soledad dahil sa kaniyang relasyon kay Benigno Aquino III bago pa man naging pangulo ang huli. Isang dating councilor ng Valenzula City, naging host din sa telebisyon si Shalani.
 
Ngunit sa isang politiko pa rin natagpuan ni Shalani ang kaniyang happily ever after sa katauhan ni Pasig City Rep. Roman Romulo, anak ni dating Foreign Affairs Secretary Alberto Romulo.
 
Ikinasal ang dalawa noong January 22, 2012 sa Silang, Cavite.

 
 
 
5. Cristina Gonzales and Albert Romualdez (1998)
 
 
 
Galing sa pamilya ng mga artista si Cristina Gonzales at nakilala ito bilang isa sa pinakamagandang aktres sa Philippine showbiz.
 
Ikinasal sila ni Tacloban Mayor Alfred Romualdez halos 16 taon na ang nakakaraan at nagkaroon ng mga anak na sina Sofia at Diana.
 
Pinasok na rin ni Cristina ang politika at ngayon ay nagsisilbing councilor ng Tacloban simula 2007.

 
 
 
6. Mikee Cojuangco and Dodot Jaworski (1999)
 
 
 
Kilala bilang TV host, actress, at equestrienne si Mikee Cojuangco habang dating basketball player naman si Robert 'Dodot' Jaworski, Jr. bago maging isang politiko.
 
Nagpakasal ang dalawa noong July 25, 1999 sa Makati at nagkaroon ng mga anak na sina Robert Vincent Anthony, Rafael Joseph, at Renzo Mikael. 
 
Sa ngayon ay nakatuon ang pansin ng mag-asawa sa kanilang negosyo at pagkakawang-gawa.
 
 
 
7. Ferdinand Marcos and Imelda Romualdez (1954)
 
 
 
Bago magkakilala sina dating Pangulong Ferdinand Marcos at ang kanyang asawa, kilala si Imelda Romualdez bilang isang beauty queen, modelm at mang-aawit. Nang magpakasal sila noong 1950s, isa pa lamang miyembro ng 3rd Congress si Marcos. 
 
Isa umano sa mga ipinangako niya kay Imelda ang pagiging First Lady nito, na natupad nang mailuklok sa pagka-Pangulo si Marcos noong 1966.
 
Nagkaroon ng tatlong anak ang isa sa pinakamakapangyarihang mag-asawa sa bansa — sina Imee Marcos, Bongbong Marcos, at Irene Marcos-Araneta. —JST, GMA News
LOADING CONTENT