ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Mich Liggayu, may sorpresang flash mob kay Jam Sebastian sa Valentine's day


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Kakaiba ang naging sorpresa ni Mich Liggayu para sa fiance at ka-tandem sa 'JaMich' na si Jam Sebastian noong Araw ng mga Puso. Nag-organisa siya ng flash mob upang mapangiti ang kasintahan, na nanood sa pamamagitan ng video call. 
 
Ayon sa ulat ni Aubrey Carampel sa 24 Oras nitong Lunes, nasa ospital man si Jam dahil sa sakit na lung cancer, hindi pa rin pinalampas ni Mich ang pagkakataong ma-sorpresa ito sa pamamagitan ng kakaibang Valentine's gift.
 
“Mukha naman pong na-surprise namin siya and nakita ko talaga yung pag-smile niya,” ayon kay Mich.
 


Maaaring mapanood ang kabuuan ng sorpresa ni Mich kay Jam sa YouTube.
 
Mag-iisang taon na mula nang ma-diagnose ang cancer ni Jam. Noong nakaraang buwan, bumalik sa ospital si Jam pero hindi pa raw ito tumanggap ng anomang treatment pati na ang chemotherapy dahil kailangan muna niyang magpalakas ng katawan.
Kuwento ng ina ni Jam, nasa Stage 4 na ang cancer nito at kumalat na rin sa kaniyang mga buto.
 
Ilang linggo na ang nakararaan nang maibalita na hiniling daw ni Jam na isailalim siya sa mercy killing para matapos na ang kaniyang paghihirap. Pero hindi ito pinagbigyan ng kaniyang pamilya at nanindigan na patuloy silang lalaban sa sakit.
 
“Minsan hindi ko na alam kung saan ako huhugot ng lakas. Humuhugot na lang ako sa mga anak ko, kasi sila ang lakas ko, sila ang inspirasyon ko, pero minsan talaga napanghihinaan na ako. Ang ginagawa ko na lang, nagdadasal na lang ako,” ayon sa ina ni Jam.
 
Sumang-ayon naman dito si Mich at sinabing, “Wala tayong karapatang tumigil ng buhay. Si Lord lang po. Sinabi namin na lumaban siya kasi ang dami namang nagmamahal sa kanya at magdadasal para sa kanya.” -- Bianca Rose Dabu/FRJ, GMA News