Richard Gomez, hinikayat na tularan sina Robin Padilla at Cesar Montano na para sa kapayapaan
Sa halip na panawagan ng giyera, hinikayat ni Autonomous Region in Muslim Mindanao Gov. Mujiv Hataman si Richard Gomez na tularan ang ibang artista na hangad pa rin ang kapayapaan sa Mindanao tulad nina Robin Padilla at Cesar Montano.
BASAHIN: Robin Padilla, Richard Gomez share different views on Mamasapano incident
Ang panawagan ay ginawa ni Hataman nang hingan ng komento tungkol sa naging post sa Facebook ni Richard noong nakaraang linggo hinggil sa naging pahayag sa Senado ni Mohagher Iqbal, chief negotiator ng Moro Islamic Liberation Front, na nananatiling "revolutionary organization" ang kanilang grupo hanggat hindi naipatutupad ang mga nakasaad sa pinirmahan nilang peace agreement sa pamahalaan.
Saad sa naturang post sa FB ni Richard: "Kung hindi nyo pa rin nakuha ang sinasabi ng ugok na ito eh baka mabuti pang barilin na lang natin ang ating mga sarili sa ulo!!!"
Matatandaan na natigil ang pagtalakay ng Kongreso sa Bangsamoro Basic Law (BBL) na bahagi ng usapang pangkapayapaan ng pamahalaan at MILF dahil sa nangyaring Mamasapano encounter kung saan 44 tauhan ng Special Action Force ang nasawi.
May matapang din na pahayag si Richard tungkol sa viral video sa Mamasapano encounter. Aniya, “Some say dont share the video of the milf killing the SAF. I say share the video of the heartless killings of the rebels so the people will know what kind of people they are!
"Scrap the peace talks, scrap the BBL. Do what Pres Erap did, give them war!”
Maging instrumento ng kapayapaan
Pero para kay Hataman, walang mabuting idudulot ang digmaan at walang ibang mabuting gawin kung hindi ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan para matigil na ang gulo at pagdanak ng dugo sa Mindanao.
Pinasalamatan din ng gobernador ang mga artistang naging kaisa nila sa kapayapaan na nagtungo rin sa Mindanao para payapain at bigyan ng kasiyahan ang mga tao kasunod ng nangyari sa Mamamasapano.
"Sana maging instrument din siya ng peace gaya nina Robin (Padilla), ni Mariel (Rodriguez), si Cesar (Montano), saka si Giselle (Sanchez). Sila nagpunta sa Mindanao para mag-call sa peace," saad sa text message ni Hataman.
Dagdag pa ng gobernador, "Nakita nila sitwasyon sa Mamasapano at nakita nila ang mga sibilyan na naapektuhan ng kaguluhan. Mga inosente na nadamay lang. Si Giselle napaiyak pa sa awa sa mga tao."
Sinabi ni Hataman na kung kakailangan ay handa niyang kausapin si Richard para maipaliwanag ang sitwasyon sa Mindanao at kung bakit hangad nila ang kapayapaan.
Si Robin ay lumipat sa relihiyong Islam, habang si Cesar ay gumawa noon ng pelikulang "Bagong Buwan," na tumalakay sa digmaan sa Mindanao at ang naging epekto nito sa mga sibilyan.
Peace advocate kay Richard : 'Mag-armas ka, ikaw ang pumunta sa Mindanao'
Samantala, nakiusap din ang tagapangulo ng Bangsamoro National Movement For Peace and Development kay Richard na itigil ang pagbibigay ng pahayag na makapagpapalubha sa sitwasyon sa Mindanao tulad ng panawagan ng aktor na itigil na ang pagtalakay sa BBL at ituloy ang giyerya sa rehiyon.
Sa pulong balitaan nitong Biyernes, sinabi ni Agakhan Sharief, na maging ang mga sundalo sa Mindanao ay ayaw na ng gulo.
"Nananawagan kami sa'yo, kapatid na Richard Gomez, na itigil mo 'yang paghihimok mo ng all-out war," ani Sharief. "Pero kung hindi mo kaya, mag-armas ka, ikaw ang pumunta sa Mindanao, 'wag 'yung mga sundalong ayaw ng gulo."
Ang pahayag ni Sharief patungkol din sa mensahe ni Richard sa kaniyang Facebook account.
Anang peace advocate, bilang kilalang personalidad, dapat maging maingat at sensitibo si Richard sa mga ibinibigay nitong pahayag.
"Marami pang sinasabi niya na masyadong masakit. Tingin namin hindi 'yon dapat ginagawa ng katulad niya na iniidolo ng ating kabataan," ayon kay Sharief.
Dagdag pa niya, "Kaya nga through sa inyo (sa press) siguro maiparating natin sa kaniya na alam namin na emosyonal ngayon, lalo na 'yung pamilya ng SAF 44, nandoon 'yung lungkot saka galit. Pero dapat tayo -- lalo na 'yung katulad niyang iniidolo sila, tinatawag nating public figure -- dapat ang mga statement na nilalabas nila, [about] love, compassion, and mercy, kasi 'yung mga sinasabi nila, kapag hindi napaghandaan, magdulot 'yon ng masama." -- FRJ, GMA News