Dahilan ng breakup nila ni Jake Vargas, inilahad ni Bea Binene
Inamin na ni Bea Binene na Disyembre pa lang ay break na sila ni Jake Vargas. Inilahad din ng Kapuso young star ang dahilan ng kanilang hiwalayan.
Sa ulat ni Cata Tibayan sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabi ni Bea na sinalubong niya ang bagong taon kasama ang kaniyang pamilya.
Inihayag din ng dalaga na third party ang dahilan ng kanilang hiwalayan.
Nang tanungin kung taga-showbiz ang third party, hindi po ang naging tugon ni Bea, sabay sabing, "too many too mention."
Masakit man dahil first love niya si Jake, sinabi ni Bea na tanggap na niya ito at nagkapag-move on na siya.
Pero professional pa rin daw ang pakikitungo nila sa isa't isa sa shows.
Sinisikap pa ng GMA News na makuha ang reaksyon ni Jake.
Nilinaw din ni Bea na walang kinalaman sa breakup nila ni Jake ang closeness niya kay Derrick Monasterio.
"Magkaibigan lang talaga kami ni Derrick tsaka sobrang matagal na kaming magkasama. Ngayon magkasama kami sa "Vampire" (Ang Daddy Ko), sobrang kaibigan lang," paliwanag niya.
Sa December ay turning 18 na si Bea at ready na raw si siya sa mga mature and daring roles pero may limitasyon.
Graduating na rin si Bea sa high school at ipagpapatuloy niya ang pag-aaral sa kolehiyo para maabot ang kaniyang pangarap na propesyon.
"Gusto ko talagang maging reporter, broadcaster, news anchor. Gusto ko talaga sa field na 'ko," pahayag niya. -- FRJ, GMA News