WATCH: Dating matinee idol na 12 taon nang nakakulong, hangad na ring makalaya
Maliban sa dating singer na si Ronnel Wolfe, isa pang ex-matinee idol ang nalulong noon sa iligal na droga, at ngayon ay may 12 taon nang nakakulong dahil sa alegasyon ng panghahalay sa isang menor de edad.
WATCH: Dating heartthrob ng 'That's Entertainment', 2 taon nang nakakulong
Sa episode ng Startalk nitong Sabado, February 28, ipinalabas ang ginawa nilang panayam kay Dennis Da Silva, dating miyembro ng sikat na teen oriented show noong dekada 80's na That's Entertainment.
Pero lalong nakilala si Dennis nang maugnay siya sa aktres na si Ruffa Gutierrez.
Ngunit dahil sa pagkakadawit niya sa mga isyu tungkol sa paggamit ng iligal na droga, unti-unting tumamlay ang kaniyang career.
Hanggang sa makasuhan siya at maaresto noong 2002 dahil sa kasong pang-aabuso umano sa 14-anyos na anak ng kaniyang live-in partner.
Depensa naman ng dating aktor, may relasyon nila noon ng dalagita.
Ang naturang kaso ay patuloy pa ring dinidinig sa korte at nananatiling nakapiit si Dennis sa Pasig City jail kung saan siya nakapanayam ng Startalk.
"Ito 'yung lugar na walang katapusang pakikipagkaibigan at pakikisama. Medyo mahirap pero kailangang kayanin," pahayag niya.
Sa panayam, sinabi ng aktor na nagbago na siya at marami siyang natutunan mula nang makulong.
"Dito natuto kang disiplinahin ang sarili mo. Marami kang kailangan alisin. Kung meron ka mang mga ginagawa sa labas na hindi maganda, dito talagang totally kailangan mong magbago. Kailangan mong ayusin ang sarili mo," paliwanag niya.
Ang ginagawa niyang pagbabago ay bahagi umano ng paghahanda niya kapag nakalaya na siya.
Aminado rin siya sa kaniyang mga nagawang pagkakamali.
"Tine-take ko 'yung blame kasi life is what you make it nga eh. Kaya siguro, walang pinakamaganda kundi baguhin. Ngayon nari-realize ko kung gaano kahalaga sana kung pinagbuti ko lang," wika ni Dennis.
Matapos ang mga masalimuot na relasyon, natagpuan na rin daw ni Dennis ang babaeng katuwang niya sa buhay. Mensahe niya sa kaniyang sweetheart : "Sana mas tumibay pa yung pagsasama natin. Walang iwanan."
Sa kaniyang kaarawan noong nakaraang linggo, may dalawang hiling ang dating matinee idol.
"Makalaya ako, secondly, yung family ko sana hanggang sa huling laban nandyan sila para sa akin," pahayag ni Dennis na hindi nawawalan ng pag-asa na matatapos na ang problemang kinakaharap. -- FRJ, GMA News