Ina ni Jam Sebastian, may mensahe sa kanilang haters, bashers
"Mamatay kayo sa inggit." Ito ang mensahe ni mommy Maricar Sebastian sa mga bumabatikos at nag-aakusa sa kanila na ginagamit nila ang namayapang anak na si Jam Sebastian para makakuha ng atensiyon.
Ang naturang mensahe ni mommy Maricar ay makikita sa kaniyang Facebook account: "To all haters and bashers thank you dahil lalo nyo kaming pinapasikat type na type ko po yan eto lng masasabi ko sa inyo MAMATAY KYO SA INGGIT! dahil sa inyo lalo nyo kaming pinapatibay."
Bukod kay mommy Maricar, nakatatanggap din ng pambabatikos mula sa ilang netizens ang kasintahan ni Jam na si Mich Liggayu, na umano'y ginagamit din ang nobyo para sa publisidad.
May kumalat din na post na inaakusahan na may ipinalit na kaagad si Mich kay Jam, na nagngangalang Neo Domingo.
Sa magkahiwalay na panayam kamakailan, ipinaliwanag nina Mich at Neo na magkaibigan lang sila.
“Actually, friends ko sila [Jam at Mich o JaMich]. Nagkasama kami sa isang short film na Classmates, 'yan ang first time ko silang nakasama, naka-work. Baka nami-misinterpret ng mga tao,” paliwanag ni Neo sa isang ulat ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph).
“Hala. A, nakasama po namin yung before. Friend po namin siya actually,” sabi naman ni Mich.
BASAHIN: Mich Liggayu of JaMich on bashers: 'Pinapabayaan ko na lang po sila...'
Nitong Lunes, may post sa kaniyang Facebook account si Mich na ikinabahala ng kaniyang mga supporter.
"Feeling ko malapit na kami magkita ulit ni Jam," ayon sa post ni Mich, na kapansin-pansin na blangko ang kaniyang profile at cover photo.

--
-- FRJ, GMA News