Ang hinagpis ni Amalia Fuentes kaugnay sa pagpanaw ng anak na si Liezl Martinez
Hindi napigilan ni Amalia Fuentes na maglabas ng sama ng loob sa cremation ng kanyang unica hija na si Liezl Martinez.
Ibinahagi ng beteranang aktres sa 24 Oras ang naramdaman niyang pagbalewala umano sa kaniya at sa asawang si Romeo Vasquez tungkol sa mga plano para sa pumanaw nilang anak.
“Alam niyo ba kung bakit ako na-late? Hindi ko alam kung saan gagawin. Sila-sila ang nag-decide, 'yung mga best friend, 'yung mga ganun. Ako, where was I? Nowhere. Nobody talked to me, nobody gave me the schedule. Every time people will ask me, I don’t know. I’m just a guest. Ganoon ang ginawa nila sa akin,” ayon kay Amalia.
Bilang isang ina ay pinakamasakit daw na mawalan ng kaniyang kaisa-isang anak.
Patuloy niya, “I love her as much as she loves her children. Kaya lang ako hindi naging upset when I found out that she had cancer because I was hoping na mauuna ako. I was thinking I will not experience this day, which is the worst day of my life. I feel like ako na ang dapat mamatay.”
Inamin din ni Amalia na dumistansya siya kay Liezl mula nang mag-asawa ito para hindi isipin ng publiko na makikialam siya sa buhay nito.
“For the longest time, I was never a part of their life but I was always there for her. And 'yung mga pakitang tao, mga publicity na mga picture-taking na mga sweet, hindi ‘yan totoo. It is in the heart,” saad nito.
Gayunpaman ay nakausap daw niya ang kanyang anak bago ito pumanaw.
Aniya, “The last time I talked to her, she was all alone in her bedroom and she was crying. She was alone for heaven’s sake. Her children, Alyssa was in school. Albert was taping. She was left alone and I was there for her. And this host of whatever place this is failed to mention the most important person in her life, si mommy, her father and me.”
Naging maiksi naman ang naging pahayag ni Romeo tungkol sa pangyayari.
Wika niya, “Hindi naman natin controlled ang ano, you know. Nagalit, nagwala si Amalia. I can’t blame her, she’s the mother. Maraming salamat sa inyong nakiramay. Thank you very much.”
Step back from her life
Sa isang ulat naman ng GMA News TVs Balitanghali, ipinaliwanag ni Amalia na pinili niyang magbigay-daan sa kaniyang anak at hindi nakialam sa buhay nito mula nang maging asawa si Albert Martinez.
"I raised my daughter by myself and when she was 18 she had her husband and I stepped back from her life because I wanted to give her the chance to be happy," paliwanag ng dating aktres.
Patuloy niya, "Kasi ang ine-expect ng tao I will interfere, I will intrude. No, I did not intrude. Hindi ba, meron ba kayong nakitang picture na nag-intrude ako?"
Sinabi pa ni Amalia na mahal na mahal niya ang anak at kailanman ay hindi niya ito inabandona.
Tanghali nitong Lunes nang ginanap ang huling misa bago i-cremate ang mga labi ni Liezl sa Arlington crematorium. Dinaluhan ito ng ilang sikat na personalidad na kasabayan niya sa industriya tulad nina Charlene Gonzales, Aga Mulach, Yayo Aguila, Pops Fernandez, at Dolly Anne Carvajal.
Pagsapit ng 3:30 p.m., nakitang lumabas ang anak ni Liezl na si Alyanna na may dalang urn kasunod ang kaniyang mga kapatid na sina Alfonso at Alyssa at kanilang ama na si Albert.
Hindi na nagpaunlak ng interview ang naulilang pamilya ni Liezl. - Cherry Sun, GMANetwork,com/FRJ/KG, GMA News