Filtered By: Showbiz
Showbiz

Korona ng Bb. Pilipinas Intercontinental, mananatili kay Christi Lynn McGarry


Walang palitan ng korona na magaganap sa mga nagwagi sa kakatapos lang na Binibining Pilipinas pageant, ayon sa pahayag ng Binibining PilipinasCharities, Incorporated (BPCI).

Sa naturang pahayag na makikita rin sa Facebook account ng BPCI, sinabing mananatili si Christi Lynn McGarry bilang Bb. Pilipinas Intercontinental, habang si Rogelie Catacutan pa rin ang kakatawan sa Pilipinas sa Miss Supranational pageant.



Una rito, umusbong ang katanungan kung puwedeng katawanin ni Christi ang bansa sa Miss Intercontinental 2015 dahil lumaban na siya sa nasabing pageant noong 2010, sa panahon na hindi pa hawak ng Binibining Pilipinas ang franchise nito.

Sa naturang pagsali ni Christi noong 2010, nakapasok siya sa top 15 at naiuwi ang titulong Queen of Asia and Oceania Award.

Ayon sa pahayag ng BPCI, "McGarry is still eligible to compete in the Miss Intercontinental 2015 pageant. Bb. Pilipinas Supranational Rogelie Catacutan will also compete in the Miss Supranational 2015 pageant."

Kabilang din sa mga nagwagi sa ginanap na pageant sina Bb. Pilipinas-Tourism Ann Lorraine Colis, Bb. Pilipinas-Intercontinental Christi McGarry, Bb. Pilipinas-Universe Pia Wurtzbach, Bb. Pilipinas-International Janicel Lubina, at Second Runner-Up si Kimverlyn Suiza. -- FRJ, GMA News