Filtered By: Showbiz
Showbiz

WATCH: Melissa Mendez, nagbigay ng panig; may hinanakit sa mga basher


Nagbigay ng kaniyang panig ang aktres na si Melissa Mendez tungkol sa pagpapababa sa kaniya sa eroplano matapos umanong manakit ng kapwa pasahero. Naglabas din siya ng sama ng loob sa mga kaagad na humusga raw sa kaniya sa social media.



Sa ulat ni Lhar Santiago sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, ikinuwento ni Melissa kung papaano nagsimula ang pakikipag-alitan niya sa isang lalaking pasahero na kaibigan at kasama ng modelo at rugby player na si Andrew Wolff.

Anang aktres, nakiusap siya sa lalaki na payagan siyang maupo muna sa upuan na malapit sa bintana para makunan niya ng larawan ang ulap. Tiniyak naman daw niya sa lalaki na babalik siya sa kaniyang orihinal na upuan pagkatapos ng pagkuha ng larawan.

Pero hindi raw pumayag ang kasama ni Andrew at nagalit sa aktres.

"'Ay hindi, hindi, binayaran namin 'yang upuan namin,'' sambit daw sa kaniya ng lalaki.

Idinagdag ng aktres na pinagbantaan daw siya ng lalaki na hahampasin ng bag sa mukha.

Patuloy ni Melissa, "'Pag hindi ka umalis diyan sa upuan mo, hahampasin kita ng bag ko sa mukha mo." Sabi niya sa akin nu'ng lalaking kasama ni Andrew."

Wala raw nagawa si Melissa kung hindi bumalik sa kaniyang upuan. Pero muli raw niyang nilapitan ang kasama ni Andrew at nagpaalam siya sa isang flight attendand para sana makipag-ayos.

Pero nang lapitan daw niya ang lalaki, muli siyang pinagsalitaan ng masasakit.

"Hawak-hawak niya yung parang ano sa eroplano, gumano'n siya," kuwento ni Melissa na itinakip sa bibig ang tila babasahin"'Lumayo ka sa akin, ang baho-baho ng hininga mo, bad breath ka. Mag-toothbrush ka, ang baho mo, kadiri ka, kadiri!' Ginanu'n niya ko nang ginanun as in dire-diretso. Talagang nagpanting na taenga ko.''

Doon na raw inanunsiyo ng piloto na ibabalik ang eroplano sa airport sa Maynila dahil sa isang nanggugulong pasahero.

Halos magbuhul-buhol ang hininga ni Melissa sa pagitan ng mga hikbi habang inilalabas niya ang sama ng loob sa ginawa umano sa kaniya ng lalaki.

"Matagal bago ko magalit pero yung pagsabihan ka ng isang lalaki, kung lalaki man siya, na hahampasin niya yung mukha ko ng bag niya, na wala naman akong ginagawang masama sa kaniya, sobra naman na 'yon," umiiyak na pahayag ng aktres. "Wala ba siyang nanay? Wala ba siyang kapatid na babae na dapat niyang igalang? Hindi ba 'ko dapat igalang bilang babae?."

Inilabas din ni Melissa ang sama ng loob niya sa mga humusga daw sa kaniya at nanlait sa social media.

"Alamin muna nila yung buong istorya. 'Wag naman silang basta-basta manghusga at tawagin akong drunk, going berserk or whatever ano," hiling niya.

Nilinaw din ng aktres na hindi siya lasing o nakainom ng alak nang sandaling mangyari ang eksena sa eroplano. Paliwanag niya, juice mula sa pinaghalo-halong prutas na ginawa ng kaniyang personal assistant ang kaniyang ininom.

Plano raw ni Melissa na isangguni sa kaniyang abogado ang nangyari, at dumulog sa grupong Gabriela para humingi ng suporta. -- Rie Takumi/FRJ, GMA News
LOADING CONTENT