Neo Domingo, may mensahe kay Mich Liggayu at sa 'Jamich' family
Kasabay ng paglilinaw sa tunay na ugnayan nila ni Mich Liggayu, may pakiusap sa "Jamich family" ang baguhang singer na si Neo Domingo.
Sa panayam ng Startalk nitong Sabado, April 11, muling iginiit ni Neo na walang romantikong namamagitan at magkaibigan lang sila ni Mich, ang nobya ng namayapang si Jam Sebastian.
"Sa mga 'Jamich family,' gusto kong sabihin sa inyo na walang 'Neomich.' Hindi kami ni Mich at hindi naging kami ni Mich," pahayag ng binata na binatikos ng mga sumusuporta sa Youtube tandem na "Jamich."
Pakiusap pa ni Neo sa Jamich supporters: "Sana suportahan niyo lang siya [Mich], kailangan niya kayo ngayon, kailangan niya ang suporta n'yo, kailangan niya ang pagtiwala n'yo, at pag-intindi sa kaniya, kailangan niya ang pagmamahal n'yo."
Nilinaw din ni Neo ang kumalat na larawan sa social media na magkasama sila ni Mich nang panahon na nakaratay pa si Jam dahil sa sakit na cancer.
Ayon sa binata, ang larawan na magkasama sila ay kuha sa isang charity event kung saan kapwa sila naimbitahan ni Mich para magtanghal.
Iginiit ni Neo na walang ibang dapat ipakahulugan ang naturang larawan na paulit-ulit umanong ikinakalat sa social media.
Tungkol sa lumabas na umano'y "kissing video" nila ni Mich, paliwanag ni Neo; "Nakita ko siya, at kahit sinong tao na tama ang pag-iisip, makikitang hindi si Mich 'yon at hindi ako."
Sinabi ng binata, na ang video na makikita rin daw sa Youtube ay tungkol sa "how to wake up your girlfriend," at hindi 'scandal' gaya ng gusto umanong palabasin ng iba.
Inamin din ni Neo na may natatanggap siyang mga banta pero hindi na niya ito pinapatulan.
"May mga nagte-threat sa akin na death threat like babarilin daw ako sa ulo mga ganun," kuwento niya. "Mayroon naman iba, 'mag-ingat ka, 'pag nakita kita sasapakin kita."
Aminado si Neo na naapektuhan ng mga tsismis ang pagkakaibigan nila ni Mich.
"Medyo awkward kasi hindi ko naman ginusto 'to. Kasi wala akong ibang intensiyon dito, kaibigan lang ako, nakasama ko siya sa work. Hindi ko iniisip na aabot sa ganitong bagay, sa ganitong sitwasyon ang mga pangyayari," aniya.
Pero sa kabila ng lahat, sinabi ni Neo na hindi niya iiwan si Mich lalo pa't walang katotohanan ang mga ibinibintang sa kanila.
Mensahe niya sa kaniyang kaibigang si Mich; "Alam ko hindi basta-basta ang pinagdadaanan mo, mabigat. Magdasal at ipaubaya na lang natin sa Diyos ang mga nangyayari, lalabas din ang katotohanan."