ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

WATCH: Gov. Vilma Santos, inilahad na umamin noon si Sen. Ralph na nambabae


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sa programang Bawal Ang Pasaway kay Mareng Winnie ni Winnie Monsod, inamin ni Batangas Governor Vilma Santos na umamin sa kaniya noon ang mister na si Sen. Ralph Recto na nagtaksil sa kaniya.

Sa naturang episode na ipinalabas nitong Lunes ng gabi sa GMA News TV, ikinuwento ni Vilma kung papaano sila nagkakilala ni Recto, na mas bata sa kaniya ng 10 taon.



Ayon sa gobernadora, 21-anyos lang noon ang senador nang magkita sila sa isang pagtitipon at nagpakilala ito at inalok siyang magsayaw.

Sa unang kita at pag-uusap nila, sinabi ng aktres na nakitaan niya agad ng talino at pagiging pursigido ang senador kaya marahil ay nagkaroon din siya ng atraksiyon at nauwi sa kasalan ang kanilang relasyon noong 1992.

“Do you know that when I first met him, he was only 21?," saad ni Vilma kay Mareng Winnie."Ten years ang age difference namin. I was 31 and he was 21 the first time we met. Estudyante pa lang po siya nun. Kaya lang, the first time we met… hindi niya alam na ako si Vilma Santos."

Pero kahit mas matanda sa edad si Vilma, natatawang sinabi ng aktres na may mga nagsasabi na mukhang mas may edad sa kanya ang senador.

Nang usisain na ni Mareng Winnie si Vilma tungkol sa posibilidad ng pambabae ni Sen. Recto, hindi itinago ng gobernadora na minsang umamin ang mister na nagtaksil ito sa kaniya.

Ayon kay Vilma, may usapan kasi sila ni Recto na umamin na lang sa kanya kapag nagtaksil kaysa malaman pa niya sa iba.

“Kasi ang malas niya, napangasawa niya ako na nasa entertainment world. Kahit saan siya magtago, kilala ako, matsitsismis siya," anang aktres.

Patuloy pa ni Gov. Vi; “Sabi ko, ‘Kung may gagawin ka at mahuli kita, aminin mo na kaysa madinig ko pa sa iba. Baka mas mapapatawad kita."

Kaya naman daw nang may narinig tungkol sa pambabae nito, tinanong daw ng gobernadora ang senador; “Tinanong ko, ‘Totoo ba itong ganiyan-ganiyan?’ Sabi niya, ‘Totoo.’"

Nang tanungin kung ano ang naging reaksiyon niya nang umamin ang mister, sabi ni Vilma,"’O, sige. Next time, be careful.’ Nag-sorry naman siya, umiyak nga e."

Sa posibilidad naman kung mayroon anak sa ibang babae si Sen. Recto, sinabi ni Vilma na maaaring wala.

"Siguro naman kung mayroon, lumabas na iyon, ‘di ba?,” anang actress-politician. -- FRJ, GMA News