WATCH: Kinikimkim na galit ni Maricar Sebastian kay Mich Liggayu, inilabas sa Startalk
Sa exclusive interview ng Startalk nitong Sabado, April 18, inilahad ni Maricar Sebastian ang mga sama niya ng loob kay Mich Liggayu, ang kasintahan ng namayapa niyang anak na si Jam.
Isinagawa ang panayam kay mommy Maricar nitong nakaraang linggo nang gunitain ang ika-40 araw ng pagpanaw ni Jam dahil sa sakit nitong cancer.
Sa gitna ng pangungulila, hindi na napigilan ng ginang na sabihin ang mga hinanakit kay Mich dahil sa pagkuha umano sa mga naipundar ng kaniyang anak, at patuloy nitong pinagkakakitaan si Jam.
Bago pumanaw, naging mag-live sina Jam at Mich kaya may mga naipundar sila sa panahon ng kanilang pagsasama.
"Ang sabi ko, gusto ko ng breakdown ng finances ng anak ko. Hindi ako stage mother, ni singko wala akong pinakinabangan sa pagsikat ng anak ko dahil may kaniya-kaniya kaming mga buhay. This time namatay ang anak ko, ngayon may karapatan ako," ani mommy Maricar.
"Ayoko sanang magsalita pero sobra e, grabe. Hinihingi namin sa'yo ang gamit, ano ang sinabi mo sa amin, pag-iisipan mo. Hinihingi namin ang share, ano ang ibinigay mo sa amin, gusto mo sa'yo lahat. Ang anak ko naghirap diyan. Hindi mabubuo ang Jamich kung wala ang Jam. Until now pinakikinabangan mo," patuloy niya.
Napag-alaman na matapos na pumanaw si Jam, nilisan ni Mich ang bahay na tinuluyan nilang magnobyo.
Ayon kay mommy Maricar, nang umalis si Mich, dinala nito ang lahat ng gamit pati ang mga bagay na magsisilbi sanang alaala ng anak niyang si Jam.
"Kinuha niyo lahat ng gamit without informing us. Gamit ng anak ko kinuha niyo without informing us," hinanakit niya.
Naniniwala rin ang ginang na patuloy na nakakakuha ng kita si Mich mula sa kanilang popular Youtube channel na binuo nila ni Jam.
"Nung namatay ang anak ko, ang cellphone ng anak ko nasa amin. Hiniram mo kay Yexel (kapatid ni Jam), ano ginawa mo, ni-log out mo ang Facebook, ni-log out mo ang email, ni-log out mo lahat. Ni-log out mo ang Jamich page during the wake, bakit? para mawalan kami ng access dahil alam mo sa Jamich page, pinagkakakitaan niyo 'yan; na until now sinabi niyo na-hack," ayon pa kay mommy Maricar.
Dagdag pa niya, "Tapos ang Google ng anak ko ni-log out ang mga email, bakit? kasi doon pumapasok ang sinusuweldo niyo for Youtube."
Tanong ni mommy Maricar, "Until now ikaw ang nakikinabang. Ngayon sino ang mukhang pera sa amin dalawa?"
Iginiit ng ina ni Jam na hindi siya naghahanap ng awa o kakampi pero paninindigan niya ang kaniyang mga sinabi. Nakiusap din siya na itigil na ang paggamit sa kaniyang namayapang anak.
Kasabay nito, inihayag din ni mommy Maricar na hindi siya naniniwala sa sinabi ni Neo Domingo sa Startalk na wala silang relasyon ni Mich.
Basahin: Neo Domingo on rumored relationship with Mich Liggayu: 'Hindi naging kami at magiging kami kailanman
Lumuluha ring pinabulaanan niya ang alegasyon ng mga basher na pumayag siya sa mercy killing ng anak.
Sinubukan umano ng Startalk na makuha ang panig ni Mich pero tumanggi raw itong magbigay ng pahayag. -- FRJ, GMA News